236 total views
Nananawagan si San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education na itigil na ang karahasan at pang-uusig sa mga kristiyano sa buong mundo.
Ayon sa Obispo, ngayong inaalala ng mga Simbahan sa Pilipinas ang mga persecuted Christians sa iba’t-ibang panig ng daigdig, kasabay nito ang taimtim na pananalanging mawakasan na ang mga pagpatay at pang-uusig.
“Ito din ay isang panalangin at panawagan na sana ma stop na yung maraming persecutions na nangyayari sa mga kapatid nating mga kristiyano at maging daan para sa ganun ay lalo pang makita natin yung kahalagahan ng buhay pananampalataya kay Hesus.” pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Bishop Mallari na ang pagdaraos ng Red Wedesday taun-taon ay isang araw lamang na simbolo at pagpapakita ng pakikiisa ng Simbahan sa Pilipinas sa mga naghihirap na Kristiyano.
Gayunman, ayon kay Bishop Mallari, hindi tumutigil ang simbahan sa pananalangin upang makamit ang kapayapaan, at mamayani ang pag-ibig na magiging daan upang mahinto ang kalupitan ng tao sa kan’yang kapwa.
“Ito po ay paghahayag ng solidarity ng atin simbahan sa Pilipinas sa lahat ng mga persecuted brothers and sisters natin kasi ang dami pong mga kapatid natin all over the world, they cannot express yung kanilang pananampalataya publicly… Isang patunay [ito] na yung mga kristiyano dito sa Pilipinas ay nagpapahayag ng pakikiisa dito sa mga kapatid natin.” Dagdag pa ni Bishop Mallari.
Ngayong 2019 ang ikatlong taon ng pagdaraos ng Red Wednesday campaign sa Pilipinas.
Sa tala ng ACN PH umaabot na sa 2,071 ang bilang ng mga Simbahan, paaralan at Unibersidad sa Pilipinas na nagpahayag ng pakikiisa sa Red Wednesday Campaign.