219 total views
Ang pagtatapos ng Taon ng Kabataan ay hindi pagtatapos ng pagmimisyon ng mga kabataan.
Ito ang inihayag ni Fr. Jade Licuanan, director ng Manila Archdiocesan Commission on Youth matapos isagawa ang Commissioning ng Year of the Youth sa Our Lady of Guadalupe Minor Seminary.
Ayon sa pari, walang closing ng Year of the Youth dahil sa halip ay isinusugo ng simbahan ang mga kabataan upang ipagpatuloy ang misyon ng Panginoon.
“Ayaw po nating isara ang Year of the Youth, mas maganda po ituloy natin ang pag-aalaala, paghubog, pagbibigay halaga sa mga kabataan.” Pahayag ni Father Licuanan sa Radyo Veritas.
Naniniwala din si Fr. Licuanan na malaki ang maitutulong ng mga kabataan sa pagpapalaganap ng pagkakaisa, alinsunod sa susunod na tema ng simbahan na Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous Peoples.
Sinabi ng pari na sa kabila ng pagkakaiba-iba ay kinakikitaan ang mga kabataan ng pagiging bukas sa pagtanggap at ito ang magandang katangian na kinakailangan upang magkaroon ng pagkakaisa sa daigdig.
“Tamang-tama yung pagninilay natin about No Borders, No Limits, somehow maghahanda sa ating mga kabataan para buksan ang kanilang mga pinto o kanilang mga bintana ng buhay para sa pagkakaisa ng buong Kristiyanismo.” Dagdag pa ni Father Licuanan.
Humigit kumulang 2-libong kabataan ang dumalo sa isinagawang commissioning ng Year of the Youth noong ika-23 ng Nobyembre hanggang ika-24.
Tema sa pagtitipon ang “Sent! No Borders, No Limits!”
Nagsimula ang pagtitipon sa pamamagitan ng opening liturgy kung saan itinanghal ang National Pilgrim Youth Cross at blood relic ni st. John Paul II.
Habang isinasagawa ang mga programa ay mayroon ding bukas na mga booth ang mga seminarista at mga madre sa loob ng OLGMS, na gumagabay sa mga kabataan sa pagtukoy ng kanilang bokasyon.
Nagtapos ang pagtitipon nang alas-sais ng umaga ika-24 ng Nobyembre, sa pamamagitan ng banal na misang pinangunahan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo.