287 total views
Bigyan nang makahulugang panahon ang bawat miyembro ng pamilya.
Ito ang panawagan ni Fr. Norman Peña, dean of studies ng St. Paul Seminary kaugnay sa pagdami ng bilang ng teenage pregnancies sa Pilipinas.
Paliwanag ng pari, kinakailangang muling tukuyin ng bawat pamilya ang pagkakaroon ng makabuluhang pagsasama at pagbibigay ng halaga sa bawat miyembro ng pamilya.
“We have to redefine how to be present to each other in a valuable way…kasi bago na ang mundo, globalization. How to be with one another that the other will value our presence. And that we can value the presence of the other, less na kasi yan with modern technology,” ayon kay Fr. Peña.
Binigyan diin naman ng pari na hindi kailanman tugon sa suliranin ng maagang pagbubuntis ng kabataan ang pagtuturo sa paggamit ng contraceptives sa mga paaralan.
“Kung ano ang madalian kung ano ang mabilis na solusyon yun ang ibinibigay. Pero in reality ang effect, lalu na dun sa gagamit ng contraceptives may mga long term effects yan afterwards in terms of their values. Papano nila pinahahalagahan ang kanilang katawan, sarili at papano ang view nila sa pagmamahal,” ayon kay Fr. Peña.
Iginiit ni Fr. Peña na ito ay band aid lamang na nagreresulta naman ng maling pagtingin ng kabataan sa kahalagahan ng kanilang katawan, sekswalidad at tunay na pagmamahal.
Sa ulat ng Population Commission, 24 na sanggol ang isinisilang kada oras o 200 libong kabataang babae na nasa edad 15-19 ang nagbubuntis kada taon.
Nanawagan ang pari na sa halip nang pagtuturo sa paggamit ng contraceptives mas mahalagang bigyan tuon ang pagtuturo ang pagpapahalaga sa katawan at ang tunay na pagmamahal.