267 total views
Inihayag ni Puerto Princesa Bishop Socrates Messiona na ang pagsusuot ng pula at pakikiisa sa Red Wednesday Prayer Campaign ay simbolo ng pananampalataya.
Binigyang diin ng obispo na hindi ito pagsunod sa nauuso kundi nakaugat sa pananampalatayang kristiyano ang pagdiriwang kung saan ipinagdadasal ang mga nakaranas ng pang-uusig dahil sa pananampalataya.
“Ang pagsuot natin ng red ngayon, ay hindi nakikiuso lang o nakiki-t’shirt na pula kundi it’s a symbol of our Christian faith,” pagninilay ni Bishop Messiona.
Paliwanag ni Bishop Messiona na ito rin ang tamang pagkakataon upang ipagdasal ang bawat isa na pagtibayin ng panginoon ang pananampalataya at maging handa sa oras na makararanas ng pang-uusig at pangungutya.
Ang Red Wednesday Campaign na ginunita kahapon sa inisyatibo ng Aid To The Church In Need, isang Vatican Based Institution na tumututok sa mga inuusig na kristiyano sa buong mundo.
Sa ikatlong taong pakikiisa ng Pilipinas mahigit sa dalawang libong parokya, paaralan at mga institusyon ang nakiisa kabilang na ang Apostolic Vicariate of Puerto Princesa sa Palawan na nagpailaw ng pula sa mga simbahan makaraan ang pagdiriwang ng banal na misa.
Umaasa si Bishop Messiona na sakaling makaranas ng pang-uusig ang mga Filipino ay nakahanda itong manindigan at ipagtanggol ang pananampalataya.
“We pray na kung dumating ang oras na tayo rin ay makaranas ng pang-uusig, we will be willing to be a witness of our faith,” ayon pa sa obispo.
Batay sa tala ng Religious Freedom Report nitong 2018 nasa 300-milyong mga kristiyano sa buong mundo ang inuusig dahil sa pananampalataya.