6,267 total views
Naglabas ng pahayag ang Parish Pastoral Council ng Our Lady of the Miraculous Medal Parish (OLMMP) sa Project 4, Quezon City kaugnay sa insidente ng pagnanakaw sa parokya, kagabi.
Napag-alamang nilooban at ninakawan ang parokya nang buksan ang simbahan nitong umaga ng Setyembre 27, kung saan kinuha sa kinalalagyan at sapilitang binuksan ang donation drop boxes.
“Ikinalulungkot po naming ibalita na kagabi, ang ating simbahan ay nilooban at napagnakawan. Ang mga donation drop boxes ay kinuha sa kinalalagyan nito, sapilitang binuksan at kinuha ang laman nitong mga love offering envelopes/contributions. Ito po ay natuklasan kaninang umaga sa pagbubukas ng simbahan,” ayon sa opisyal na pahayag ng OLMMP.
Agaran naman itong iniulat ng parokya sa Barangay Marilag at sa Quezon City Police Station 8 kung saan patuloy na iniimbestigahan ang insidente.
Tiniyak naman ng pamunuan na agad na ipaaalam sa publiko ang magiging resulta ng imbestigasyon ng mga kinauukulan para na rin sa kaalaman at kaligtasan ng lahat mula sa mga mapagsamantala.
“Pinaaalalahanan ang lahat na maging alerto at dagdagan ang pag-iingat laban sa mga mapagsamantala at mga akyat-bahay na kumakalat sa ating pamayanan,” ayon sa pahayag.
Umaasa naman ang parokya sa pamamagitan at panalangin ng Mahal na Birhen Medalya Milagrosa upang mailayo ang lahat sa anumang kapahamakan.