345 total views
Pinaalalahanan ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang Overseas Filipino Workers na maging kampante sa patuloy na pagtaas ng halaga ng dolyar kontra piso.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, kinakailangang tandaan ng mga OFWs na ang palitan ng piso at dolyar ay pabago – bago ngunit mahalagang sila ay maging masinop at hindi ubos biyaya.
“Tumaas ang palitan. Maganda ito para sa ating mga OFW dahil maraming piso ang maipapalit nila. Subalit ito rin ay may kakambal na hindi maganda, hindi mabuti. Dapat nating paalalahanan ang ating mga OFWs na ito ay hindi pangmatagalan na kung saan darating, mawawala, tataas, bababa kaya dapat rin silang maging ma – ingat at dapat silang magtipid,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Pinayuhan rin nito ang nasa 15 milyong OFWs na huwag matutukso sa pagbili ng mga bagay – bagay na hindi naman mahalaga bagkus ay gugulin at samantalahin ang malaking halaga ng dolyar upang makapag – ipon at makapagpadala sa kanilang pamilya.
Samantala, nanatili naman sa halagang P48 ang halaga ng dolyar at inaasahan pang tataas ang halaga nito hanggang P50 piso.
Ito na rin ang naitalang pinaka – mababang antas ng palitan ng piso kontra dolyar sa loob ng 7 taon.
Sinabi ng ilang ekonomista na kung magpapatuloy ang paghina ng halaga ng piso kontra dolyar ay magdudulot ito ng pagtaas ng halaga ng presyo sa merkado lalo na ng mga produkto na inaangkat natin sa ibang bansa tulad ng petrolyo at ang pagbigat ng pagbabayad ng utang na dollar denominated.
Nauna na ring binaggit ng Kanyang Kabanalan Francisco na anumang paggalaw ng halaga ng mga bilihin ay dapat laging alalahanin ang epekto nito sa mga mahihirap.