295 total views
Hinimok ni Novaliches Bishop emeritus Teodoro Bacani Jr. ang Simbahang Katolika na gamitin ang Misa, ang social media at mga Catholic educational institutions para ipakalat ang tamang impormasyon sa publiko na hindi dapat maisabatas sa Pilipinas ang same sex union or the civil union of members of the LGBT community.
Ayon sa obispo, may kakayahan ang Simbahan para magkaroon ng kaalaman ang mamamayan sa hindi magandang dulot ng same sex union lalo na sa pamilyang Filipino sa pamamagitan ng mga Misa, o ang pagtuturo sa mga catholic school.
Pahayag pa ni Bishop Bacani, may access ang lahat sa social media na maaari ding gamitin ng Simbahan para sa pagbibigay ng impormasyon hinggil sa moralidad o yung sinasaad ng batas ng estado at batas ng Panginoon hinggil sa pag-aasawa na ang kasal ay para lamang sa isang babae at isang lalaki.
“Itong ginagawa ninyo yang developing awareness through the mass media through social media, napakalaki ng network natin for education gaya ng catholic educational institutions, yung mga Sunday Masses sa mga parishes natin kung gagamitin nating mabuti, itong mga pamamaraang ito magkakaroon ng awareness ang mga tao at makikita ang kamalian ng tunay na mali,” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaakibat aniya ng mga pagpupursiging ito, dapat sabayan ng panalangin na manatili pa rin sa bawat isa na ang pamilya ang pundasyon para sa moralidad.
Dagdag ni Bishop Bacani, marapat ding ipagdasal ang mga mambabatas na nagsusulong ng same sex union na maliwanagan ang kanilang isip na hindi dapat gayahin ang kamalian ng mga taga Kanluran (Westerners).
“Anong dapat nating gawin para maunawan at maiparating natin sa mga mababatas na hindi lamang ito labanan ng numero kundi nakataya ang sambayanang Filipino, ang pamilyang Filipino? Manalangin tayo na talagang liwanagin ng Diyos ang ating mga mambabatas at mga namamahala. Ipanalangin natin sila pati na ang mga kalaban natin, totohanin natin ang ginagawa sa prayer of the faithful,” pahayag pa ng obispo.
Hanggang nitong July ng 2016, nasa higit 20 bansa na ang nagsa-ligal ng same sex union.