5,162 total views
Pinaalalahanan ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga naghahangad na kumandidato sa nalalapit na halalan na magsilbing tunay na tagapaglingkod o ‘servant’ gaya ng mga lingkod ng simbahan na tagapaglingkod ng Diyos at ng kanyang kawan.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Antipolo Bishop Ruperto Santos – CBCP Bishop-Promoter ng Stella Maris-Philippines para sa mga kumandidato para sa nakatakdang 2025 Midterm Elections kaugnay sa pagsisimula ng filing ng Certificate of Candidacy.
Ayon sa Obispo, ang mga lingkod bayan at lingkod ng Simbahan ay kapwa pinili ng Panginoon at ng taumbayan upang maglingkod, kaya naman naangkop lamang na ganap na isa-isip ng mga nagnanais na kumandidato sa anumang posisyon sa pamahalaan ang paglilingkod ng tapat sa lipunan.
“We are merely their servants. We were chosen and ordained as priests, and you were chosen and elected by the people. We were ordained and you were elected solely for the purpose of serving. Therefore, who and where we are today is solely because of our service to the people. That is what is expected of us by the Church and the Nation—to serve them.” Bahagi ng paalala ni Bishop Santos.
Paliwanag ng Obispo, dapat na gawing huwaran ng mga nagnanais na maging pinuno ng bayan ang pagiging isang tunay na tagapaglingkod ni Hesus na isinantabi ang kanyang pansariling kapakanan upang bigyang prayoridad at tutukan ang mga pangangailangan ng taumbayan ng walang hinihintay na kapalit.
“Therefore, like Jesus, being a servant means not thinking about what is for us or seeking what others can do or give to us. Instead, it is about what we can give and do for them. They come first before ourselves. Our help and compassion are needed now, not postponed, and without expecting anything in return.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Batay sa tala ng COMELEC nasa 18,280 na posisyon ang pagbobotohan sa darating na 2025 Midterm Elections, kabilang ang 12-senador, mga partylist representatives, congressional district representatives, governor, mayor, sangguniang bayan member at iba pa.
Mayroon lamang walong araw ang mga nagnanais na kumandidato sa paghahain ng kanilang Certificate of Candidacy simula ngayong araw October 1 hanggang October 8.