3,552 total views
Pagtatanggal sa kapangyarihan ng Pangulo na magtalaga ng mga opisyal sa independent institutions sa pamahalaan ang isa sa nakikitang solusyon ng Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan o ANIM Coalition na nagsusulong at tutumutol sa pag-iral ng political dynasty, korapsyon at katiwalian sa pamahalaan.
Ayon kay ANIM Lead Lawyer Attorney Alex Lacson sa panayam ng programang Barangay Simbayanan, bunsod ng naging pag-aaral sa sistema at kalakaran sa gobyerno ay nanindigan na dapat nang tanggalin sa 1987 Philippine Constitution ang kapangyarihan ng punong ehekutibo na magtalaga ng mga mamumuno sa Commission on Audit, Commission on Elections at Office of the Ombudsman.
Iginiit ng ANIM Coalition na ang itatalaga sa Ombudsman ay walang pagkiling sa Presidente o sa partido ng pangulo upang tuwirang magampanan ang tungkulin na imbestigahan ang mga sinasabing pulitiko o opisyal ng pamahalaan na idinadawit sa kaso ng korapsyon.
“‘Yung president kapag nag-appoint ng Ombudsman, oftentimes the Ombudsman becomes more beholded than to the Filipino people. Kung ang pulitiko na may kaso ng korapsyon ay kaibigan, ka-alyado, ka-partido ng presidente, ano po ang nangyayari? Nagiging bulag na ang Ombudsman, hindi na sinasampahan ng corruption cases ‘yung mga kaibigan ng presidente na nag-appoint sa kanya,” ayon kay Lacson.
Gayundin para sa COA na mandato naman ang pag-audit o pagtala ng paggastos ng iba’t-ibang ahensya o tanggapan ng pamahalaan, maging ang mga opisyal na hindi dapat itinatalaga ng pangulo upang maging transparent sa proseso ng auditing sa pondo ng taumbayan.
“Ang nangyayari po ‘yung chairman o members ng COA, kapag in-appoint na sila ng presidente ay katulad sa Ombudsman… hindi naa-audit ‘yung government offices and public officials on how they spent the public funds allotted to them,” dagdag pa ni Atty. Lacson sa panayam ng programang Barangay Simbayanan.
Hindi rin dapat italaga ng pangulo ang mga pinuno ng COMELEC upang maiwasan ang ‘abuse of power’ at upang magampanan ang mandato ng kumisyon na tiyakin ang malinis at matapat na halalan.
Ani Lacson, dahil sa ganitong pagtatalaga ng pangulo na nagiging daan ng katiwalian sa gobyerno na dapat nang isantabi, gayundin ang usapin ng political dynasty.
“That’s why ang nangyayari ‘yung mga corrupt na public officials, na mga pulitiko, kung sino ang pinaka-popular na candidate for President ay doon na sila magda-dagsaan. Kasi kapag nanalo ang sinuportahan nilang presidential candidate ay may blanket protection sila. Hindi sila basta-basta ma-prosecute dahil supporters sila ng presidente. That’s why maraming dynasties;,” ayon pa kay Lacson.
Una na ring ipinapanawagan ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Office on Stewardship, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mga botante na iwasan ang pagboto sa mga pulitikong kasapi ng political dynasty upang maiwasan ang pagyurak sa kabuuang proseso ng halalan at sa pag-iral ng demokrasya sa bansa.