9,470 total views
Umaasa si San Pablo Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr. na magbuklod ang pamayanan ng Laguna para sa pag-unlad ng pananampalataya.
Ito ang pahayag ng obispo makaraang pormal na mailuklok bilang ikalimang pastol ng diyosesis nitong November 21 sa ritong pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa St. Paul the First Hermit Cathedral.
Dalangin ni Bishop Maralit ang pagkakaisa ng mahigit apat na milyong kawan tungo sa isang simbahang sinodal.
“Ang aking panalangin ay sama-sama tayong maglalakbay at magtitiwala patungo sa kabanalan at pagiging sambayanan ni Kristo na buhay ang pag-asa at daan ng pag-asa at pagibig ng Diyos para sa lahat.Sama sama nating pagpanibaguhin ang pag-asa, ang ating ugnayan sa Diyos at tulungan ang iba na maranasan din ang pag-asang ito na mula kay Kristo,” mensahe ni Bishop Maralit.
Batid ni Bishop Maralit ang kaakibat na malaking hamon sa panibagong misyong gagampanan subalit sa tulong ng mga panalangin at sa Banal na Eukaristiya ay napawi ang mga pangamba at agam-agam sa mga gawaing pagpapastol.
Pinasalamatan ng obispo ang mga pari at humigit kumulang 400, 000 mananampalataya ng Diocese of Boac na kanyang pinagsilbihan ng halos isang dekada sa mga aral at halimbawang natutuhan sa kanyang pamamahala sa diyosesis tulad ng pamumuhay ng payak at puno ng pag-ibig lalo na para sa kapwa.
Muling ipinagkatiwala ni Bishop Maralit sa makainang pagkalinga ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang gawain sa diyosesis lalo na sa 91 mga parokya katuwang ang 140 mga pari at iba pang religious communities sa lalawigan.
Samantala sa hiwalay na panayam ng Radio Veritas kay San Isidro Labrador Parish Priest Fr. Eugene Fadul na kasapi rin ng Commission on Clergy at Protection of Minors ng diyosesis sinabi nitong makahulugan ang pagluklok sa bagong obispo lalo’t naghahanda ang simbahang katolika sa pagdiriwang ng 2025 Jubilee Year of Hope.
Kasabay nito ang pagtiyak ng pakikiisa at pakikipagtulungan kay Bishop Maralit sa lahat ng mga gawaing pampastoral at pang espiritwal.
“Ang installation na ito ay nagbibigay sa amin ng bagong pag-asa especially now that we are entering the Jubilee of Hope, bagong pag-asa, bagong misyon, at sama-samang paglalakbay. Nandito lang kami para tulungan ka sa abot ng aming makakaya bilang iyong pari at kapatid na pari,” pahayag ni Fr. Fadul.
Kasunod ng pagluklok kay Bishop Maralit anim na mga diyosesis pa sa bansa ang sede vacante ang mga Diyosesis ng Balanga, Boac, Daet, Ipil, Pagadian at Tarlac bukod pa rito ang mga obispong naabot na ang mandatory retirement age na 75 taong gulang tulad ni Bishop Sofronio Bancud ng Cabanatuan, Archbishop Jose Romeo Lazo ng Jaro, at Bishop Bernardino Cortez ng Prelatura ng Infanta sa Quezon.