170 total views
Bigyan ng pag-asa ang mga taong nagkasala na makapagsisi at makapagbagong buhay at muling makabalik sa lipunan ng matiwasay.
Ito ang panawagan ni CBCP Episcopal Commission on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa mga mambabatas na nagsusulong na muling ibalik ang parusang kamatayan sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ng Obispo sa pamahalaan at sa mga mambabatas na hindi dapat gamitin sa paghihiganti ang death penalty.
“At lalong – lalo na hindi natin dapat gagamitin iyan sa paghihiganti kasi para sa atin ang mahalaga ma – reform ang tao at umaasa tayo na ang buhay ng tao ay may pagkakataon at may kakayahan na magbago. Marami sa mga biktima diyan ang mga mahihirap na walang kapasidad na ipagtanggol ang kanilang sarili at marami ng mga kaso na ang mga pinatay ay mali pala ang akusasyon sa kanila. Kaya dapat hindi maibalik ang death penalty,”pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Umaasa si Pabillo na mapagtanto ng mga 230 mambabatas na nagsusulong nito sa Kamara na walang karapatan ang estado na kitilin ang buhay ng isang tao lalo’t ang buhay ng tao ay sagrado at tanging Diyos lamang ang may karapatan na kumuha nito.
Sinabi pa ni Bishop Pabillo na patunay ang datus mula sa Amnesty International noong July 2015, mahigit 140 bansa na ang nagtanggal ng parusang kamatayan sa kanilang bansa at inayos ang kanilang judicial system.
“Ang death penalty ay hindi solusyon para sa krimen. Ang dapat ayusin ay ang ating judiciary system hindi iyan death penalty kasi pati mga bansa na may death penalty tuloy pa rin ang mga krimen nila,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Read:
http://www.veritas846.ph/may-ibang-sagot-laban-sa-kasamaan/
http://www.veritas846.ph/jesus-god-life-not-death/
http://www.veritas846.ph/pagpipilit-na-maisabatas-ang-death-penalty-salungat-sa-diwa-ng-pasko/
Dagdag pa sa datus ng Amnesty International na mahigit 600 ang binitay sa buong mundo noong 2014 na halos bumaba ng 22 porsyento kumapara sa mga naitala noong 2013. Nauna na ring binanggit ng kanyang kabanalan Francisco sa isinagawang World Conference against Death Penalty sa Oslo, Norway na ang capital punishment ay taliwas sa plano ng Diyos sa bawat indibidwal na makapagbagong buhay.