211 total views
Pagbabagong buhay ang dapat na isulong ng pamahalaan at maging ng Simbahan sa mga biktima ng ipinagbabawal na gamot sa halip na basta na lamang paslangin o kitilin ang buhay.
Ito ang binigyang diin ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles – Chairman ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs kaugnay sa patuloy na paglaki ng bilang ng mga namamatay sa gitna ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Panawagan ng Arsobispo, kinakailangan ang pagtutulungan ng lahat upang muling maitama ang magulong sitwasyon sa bansa sa kasalukuyan.
“Pero huwag naman sila papatay ng papatay left and right sapagkat kapag pinapatay mo ang mga ito lalong dumadami yan, kailangan magbago yan ang panawagan ng Simbahan dapat, magbago tayong lahat at magtulong tulong para itama lahat…” pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam sa Radio Veritas.
Sa kabila nito, aminado ang Arsobispo na hindi na maaring itigil ang orepasyon ng mga pulis dahil sa napapanahon na rin upang tuluyang sugpuin ang laganap na bentahan at paggamit ng ipinagbabawal na gamot na hindi natutukan ng mga nakalipas na administrasyon.
“hindi maganda yung maraming namamatay pero hindi pwedeng itigil ang operasyon kailangan ay hulihin pero napakarami, tama naman ang sinabi ng Presidente na talagang we are in great and in a very serious situation. Matagal na akong sumisigaw laban sa droga buti ngayon at nagsalita si Duterte kaya pati Pari ay gumagalaw ngayon pero huli na ang lahat pero hindi pa naman dapat we should not give up…” giit pa ni Archbishop Ramon Arguelles.
Unang inihayag ng Philippine National Police na nabawasan ng 90-porsyento ang supply ng ilegal na droga sa bansa sa loob pa lamang ng dalawang buwan mula ng magsimula ang Oplan Double Barrel at Oplan Tokhang.
Batay sa pinakahuling tala ng Philippine National Police mula unang araw ng Hulyo tinatayang umabot na sa 1,466 ang namatay sa gitna ng operasyon ng mga pulis habang itinuturing naman ng PNP na death under investigation ang 1,490 kaso ng pagkamatay na hinihinalang kagagawan ng mga vigilante at hindi pa nakikilalang mga salarin.
Sa kabila nito, ipinagmalaki naman ng PNP na umaabot na sa 15,000-drug suspects ang naaresto habang 700,000 libo naman ang drug users at pushers ang sumuko sa mga otoridad.
Samantala, naninindigan naman ang Simbahang Katolika na nararapat pa ring pairalin ng mga otoridad ang proseso ng batas at bigyang paggalang ang karapatang pantao maging ng mga hinihinalang sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.