37,851 total views
Ang misyon ng Caritas Manila ay hindi natatapos sa pagtulong sa mga mahihirap at pinakanangangailangan.
Inihayag ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, chairman ng Caritas Manila na ang misyon ng social arm ng Archdiocese of Manila ay nagpapatuloy sa pagbibigay pag-asa at dangal sa buhay ng tao.
Sa kanyang homiliya sa ika-72 anibersaryo ng pagkatatag ng Caritas Manila, inaasahan ni Cardinal Advincula na bukod sa pagtulong ay maging sentro ng adbokasiya ng bawat isang bumubuo sa social arm ng Archdiocese of Manila ay maging daluyan ito ng pagmamahal ng panginoon.
Sinabi ng Kardinal na ang kawanggawa ay hindi lamang pagbibigay ng pagkain, pagtulong kungdi pagbabalik-dangal sa tao.
“Ang tunay na kawanggawa ay hindi lamang pagbibigay ng pagkain, kundi pagbabahagi ng tulong, hindi lamang pagtulong kungdi pagbabalik dangal,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Lubos naman ang pasasalamat ni Father Anton CT. Pascual – Executive Director ng Caritas Manila, sa Diyos at sa lahat ng katuwang sa paglilingkod.
Tiniyak ni Father Pascual na magpapatuloy ang direktang pagtugon ng Caritas Manila sa pangangailangan ng mga mahihirap, maysakit, mga bilanggo, at mga napabayaan ng lipunan upang mabigyan ng karangalan ang kanilang buhay.
“Una, nagpapasalamat tayo sa Diyos at nakarating tayo sa 72-taon ng anibersaryo ng Caritas Manila – ang lead social services and development ministry sa Archdiocese of Manila, na direktang tumutugon sa pangangailangan ng mga mahihirap, mga may sakit, mga bilanggo, at mga napabayaan ng lipunan. At ang ating adikhain ay matulungan sila na matulungan ang sarili at maibalik ang kanilang dignidad bilang mga anak ng Diyos. Kaya’t mahalaga ang programa ng social mission ng ating simbahan sa pagsasabuhay ng ebanghelyo ng pagliligtas ni Kristo.” bahagi naman ng panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Pascual.
Ang Caritas Manila ay itinatag noong October 1, 1953 ng yumaong Arsobispo ng Maynila na si Archbishop Rufino Cardinal Santos na kilala bilang Catholic Charities at nagsisilbing pangunahing social service at development ministry ng Simbahang Katolika sa Pilipinas na nakatuon ang mga adbokasiya sa pagpapaunlad sa buhay ng mga Pilipino, paglaban sa kahirapan, at pagtatag ng komunidad na Kristiyano na may malalim na panlipunang malasakit.




