6,228 total views
Nanindigan si Fr.Erik Adoviso – Minister ng Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern na kinakailangan ng manggagawa na magkaroon ng iisang national minimum wage.
Tinukoy ng Pari ang patuloy na nararanasang mataas na inflation rate ng mga manggagawang Pilipino na nagpapataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa buong Pilipinas.
Nangangamba si Fr.Adoviso na dahil sa hindi magkakapantay na suweldo ng mga manggagawa na 361-pesos hanggang 645-pesos sa National Capital Region at mas mababa sa ibang panig ng bansa ay hindi lahat ng manggagawa ay nasusuportahan ang pangangailangan ng pamilya at nakakasabay sa mataas na halaga ng mga bilihin.
“Dito sa atin sa Pilipinas nananawagan tayo ng equal pay sa pagitan ng probinsya at ng Maynila kasi pagdating sa probinsya, iba na ang minimum wage, dito sa Maynila iba narin, pero ang palaging batayang tanong ng mga manggagawa bakit magkapareho ang presyo ng bigas sa Maynila kumpara sa probinsya,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Adoviso.
Hinihimok ng Pari ang mamamayan at opisyal ng pamahalaan na dinggin ang apela ng mga manggagawa sa karapat-dapat na wage hike at across the board national wage hike sa bansa.
Hinikayat ni Fr.Adoviso ang administrasyon ng pangulong Ferdinand Marcos Jr., na buwagin na ang mga provincial at regional tripartite wage and productivity board para magkaroon ng iisang minimum rate nationwide.
Naniniwala na nararapat na maging pantay ang oportunidad ng mga manggagawa na makapamuhay ng mayroong dignidad at hindi nangangamba sa pagkukunan ng panggastos araw-araw.
Isinulong din ng Pari ang equal pay para sa mga babae at lalaking manggagawa sa bansa at pantay na oportunidad sa mga kababaihan.
“Yan yung aming nananais, na buwagin yung provincial rate, pantay-pantay ng suweldo sa Manila at sa Probinsya, siyempre ng suweldo ng kababaihan ay pantay din sa mga kalalakihan na kung saan hindi pinapantay ang suweldo sa kasarian kungdi sa kasanayan, sa kaalaman at siyempre bigyan ng maraming opportunity ang mga kababaihan na sila din naman ay tumitingkad na yaman ng ating bansa,” bahagi pa ng panayam kay Fr.Adoviso.
Ito ang mensahe ni Fr.Adoviso sa pakikiisa sa paggunita ng ‘International Day of Equal Pay’ ngayong ika-18 ng Setyembre 2024.
Ayon sa mga pag-aaral ng Think Tank Group na Ibon Foundation, umaabot na ngayon sa hanggang 1,200-pesos ang daily family living wage upang masuportahan ng isang manggagawa ang sarili at limang miyembro ng pamilya.