499 total views
August 25, 2020-9:45am
Malaki ang maitutulong ng pagbubukas ng mga simbahan sa mas maraming bilang ng mga mananampalataya na makatutulong sa mga nakakaranas ng depresyon na dulot ng pandemya.
Ito ang tugon ni Fr. Victor Sadaya, CMF-Executive Director ng Porta Coeli Center for Psychotrauma Management and Counseling at General Manager ng Radio Veritas Asia, sa hiling ng pamahalaan na tulong ng simbahan at mga spiritual leader upang makatuwang sa pagbibigay ng mental wellness.
Ayon kay Fr. Sadaya, malaki ang bahagi ng pananampalataya sa panahon ng krisis upang bigyan ng kalakasan at pag-asa ang publiko dulot ng kanilang mga agam-agam sa patuloy na pandemya.
“Itong pananaw na ito ay magbibigay din ng daan ng bagong pagasa sa buhay, kaya napakalaki ng papel ng pananampalataya sa panahon ngayon. At tandaan natin yung mga karamihan na mga vulnerable sa suicide, ‘yun yung mga ilan sa mga nawalan na ng pananampalataya,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Sadaya sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng pari, dahil sa walang pagkakataon na makalabas o makadalo sa mga misa sa parokya ay mas mahabang panahon ang ginugugol ng publiko sa social media dahil na rin sa umiiral na community quarantine
“Kasi marami nakikita natin ngayon na dahil nga sa oras na iginugugol lang sa social media o sa cellphone, wala silang oras para manalangin o magdasal o manahimik man lang,” ayon kay Fr. Sadaya.
Una nang nanawagan si Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga opisyal ng simbahan at mga spiritual leader upang makatuwang sa pagbibigay patnubay sa mamamayan dahil sa tumataas na bilang ng mga nagpapatiwakal dulot ng Covid-19 pandemic.
Ayon sa tala ng University of the Philippines-Diliman—Psychosocial Services (UPD-PsycServ), umaabot na sa mahigit 100-tawag sa telepono ang natatanggap nila kada araw mula sa mga nakararanas ng mental health mula sa dating 40-tawag nang magsimula ang community quarantine noong Marso.
Ayon pa kay Fr. Sadaya, “’Yun ang una sa lahat e, wag mawawalan ng pag-asa. May kasabihan nga tayo, hangga’t may buhay, may pag-asa at ang umaasa ay nagkakaroon ng bagong buhay. At ito ay makikita lang din natin na ‘pag tayo ay umaasa, may magandang mangyayari sa buhay natin.”
Una na ring nanawagan si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan na ibilang ang spiritual health bilang pangunahing pangangailangan ng publiko.
Sa kasalukuyan ay 10-katao lamang ang pinahihintulutang dumalo sa mga religious gatherings lalu na sa Metro Manila kung saan umiiral ang panuntunan ng General Community Quarantine.