254 total views
Nanawagan ang CBCP Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care na unahin munang ipatupad ang mga plano kung paano huhulihin ang mga pinaghihinalaang kriminal bago sila isalang sa death penalty.
Ayon kay Rodolfo Diamante, executive secretary ng komisyon, hindi nakikita ng tao na ang huling hakbang para makamit ang katarungan ay ang pagpaparusa kayat dapat munang unahin ay kung paano mapipigilan ang isang krimen.
“Hindi nakikita ng tao ‘yung penalty ay ang last stage of criminal justice system, ang pagtuunan ng pansin ay hulihin ninyo, paano ninyo huhulihin, mga drug lord, drug financiers, kidnapper how are you going to arrest, hangga’t wala pang malinaw na plano kung paano huhulihin, itabi mo muna ang penalty, kasi huli ang penalty.” Pahayag ni Diamante sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, inihayag ni Diamante na hindi nila binubuwag ang Coalition Against Death Penalty dahil alam nilang may mga taong magsusulong muli ng pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.
“Kaya nga di namin binuwag yung coalition against death penalty then it was abolished dahil alam naming may mga taong magsusulong pa rin nit…kahit na natanggal na tapos naging signatory na tayo sa tratado ng second optional protocol there will always be a leader na who would like to present a quick solution sa problem of criminality,” ayon pa kay Diamante.
Inihayag pa ng executive secretary ng CPPC, na sa ganitong pagkakataon, mas dapat paigtingin ng Simbahang Katolika ang patuloy nitong ginagawang ebanghelisasyon.
Hanggang noong taong 1961, nasa 51 ang isinalang sa death sentence sa bansa
June 24, 2006, sinuspinde ito ng gobyerno.
Mariing kinokondena ng Simbahang Katolika ang death penalty dahil labag ito sa utos ng Diyos at ang Panginoon lamang ang may karapatang bawiin ang buhay ng tao sa pamamagitan ng natural nitong pagkamatay.
Patuloy namang umaagapay ang Restorative Justice Prison Ministry ng Caritas Manila sa mga bilanggo gaya ng pagbibigay sa kanila ng proyektong pangkabuhayan upang matulungan nila ang kani-kanilang pamilya kahit sila ay nakakulong at para na rin maiangat ang kanilang dignidad.