455 total views
Umaasa si Sr. Zeny Cabrera, Program Coordinator ng Restorative Justice Prison Ministry ng Caritas Manila na masusi munang pag-aaralan ng susunod na Administrayon ang iba pang maaring maging paraan upang mabawasan ang karahasan at masugpo ang krimen sa lipunan bago tuluyang ibalik ang parusang kamatayan.
Ayon sa madre, dapat subukan muna ng pamahalaan ang ilan pang alternatibong paraan sa halip na ibalik ang kultura ng pagpatay at ipagkait ang pagbabagong buhay sa mga nagkasala sa lipunan.
“Siguro ang dapat natin tingnan bago tayo mag-resort sa Death Penalty ay ano pa ang magagawa ng pamahalaan para hindi mag-stop sa ganung solusyon o ganung pamamaraan, I think yun ang dapat that is what I want to point out na maraming pamamaraan other than Death Penalty para hindi mapalaganap ang kultura ng pagpatay o nang pamumuksa ng buhay..” Ang bahagi ng pahayag ni Sr. Cabrera sa panayam sa Radio Veritas.
Sa tala, Amnesty International, 140 na mga bansa na ang nagbuwag sa kanilang parusang kamatayan samantalang taong 2006 naman ng lagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pagbuwag sa Death Penalty sa bansa at pinababa sa habang buhay na pagkakulong ang ipinataw sa may higit isang libong preso na may parusang kamatayan.
Kaugnay nga nito, batay sa kabuuuang tala ng DFA, tinatayang aabot sa 88 ang bilang ng mga Filipino na may parusang kamatayan sa iba’t ibang bansa na karamihan ang kaso sa ipinagbabawal na gamot.
Samantala, una na ngang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na bukod sa parusang kamatayan, hindi rin ito sang-ayon sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na ayon sa kaniya ay laban sa dignidad ng tao at pagkakaroon ng pangalawang pagkakataon upang mag-bagongbuhay