1,941 total views
Ikinalugod ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia (AVOSA) ang pagdalo ng mananampalataya sa pagdiriwang ng Simbang Gabi sa United Arab Emirates.
Ayon kay AVOSA Vicar General Fr. Troy delos Santos, OFM Cap. kahanga-hanga ang pagiging masigasig ng mga Pilipino sa Middle East sa muling pagbabalik ng pisikal na Misa para sa mga Misa de Gallo.
Mensahe nito sa mananampalataya na ang tauspusong pagdulog sa Diyos sa bawat kahilingan para sa pamilya at komunidad sa tulong at gabay ng Mahal na Birheng Maria.
“Inaanyahahan ko kayong lahat na humiling ng biyaya sa Diyos kalakip ang panalanging may pananampalataya, para sa inyong mga sarili, sa inyong mga pamilya, komunidad, at sa ating bansa,” pahayag ni Fr. delos Santos sa Radio Veritas.
Tinuran ng pari ang tema ng Simbahang Gabi sa UAE na “Sa Pag-ibig, Pag-asa at Liwanag ni Kristo – Magkasama tayong Babangon ngayong Pasko” na isang paanyaya para sa sama-samang pagkilos tungo sa unti-unting pagbangon sa epekto ng pandemya sa lipunan.
Sinabi ng Pari na ang liwanag na hatid ng pagsilang ni Hesus ang tatanglaw sa bawat isa lalo na sa mga nawawalan ng pag-asa dahil sa iba’t ibang krisis na kinakaharap.
“Dahil sa dalang liwanag ni Kristo – Sama sama tayong babangon bilang isang mananampalatayang Kristiyano sa gitna ng ating mga pinagdaanan nito mga nakaraang taon,” ani Fr. delos Santos.
Sinabi naman ni Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi Media Director Rommel Pangilinan na bagamat mabigat na tungkulin ang pag-organisa ng simbang gabi sa Middle East ay patuloy itong ginagampanan upang tupdin ang pagmimisyon na gawain ng bawat Kristiyano.
“Bakit hindi ako napapagod? dahil alam kong hindi rin napapagod ang Diyos na mahalin ako at biyayaan sa kabila ng aking mga kahinaan. To your mission Lord, we give our Yes!” ani Pangilinan.
Makalipas ang dalawang taon ay muling pinahintulutan ng pamahalaan ng UAE ang religious gatherings sa St. Joseph Cathedral sa Misa Nobenaryo sa karangalan ng Mahal na Birheng Maria at paghahanda sa kapanganakan ni Hesus ang Manunubos.