3,444 total views
Suportado ng Citizens’ Rights Watch Network (CRWN) ang muling pagsusuri ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa pagiging kasapi ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon sa organisasyon na binubuo ng mga grupo ng propesyonal, mag-aaral, manggagawa at ecumenical church workers, mahalagang matalakay ng mga opisyal ng kalipunan ng mga Obispo sa bansa kung ano ang naaangkop na hakbang para sa pagpapaigting sa misyon ng Simbahan sa pagsusulong ng katotohanan, kapayapaan at katarungang panlipunan.
Iginiit ng grupo na maituturing na ‘misleading’ ang naunang inilabas na impormasyon ng NTF-ELCAC na magiging kasapi ng executive committee nito ang CBCP.
“The Citizens’ Rights Watch Network (CRWN) fully supports Bishop Ambo David in shedding light to all archbishops and bishop-members of the CBCP in aligning with the cause for the pursuit of truth, justice, and peace. The recent press release of the NTF ELCAC claiming that the whole CBCP, represented by Bishop Rey Evangelista and Fr. Jerome Secillano, is now part of its execom is misleading. Bishop Ambo clarifies that a resolution is yet to be finalized by the CBCP plenary whether the membership to the NTF ELCAC execom is necessary or not.” pahayag ng CRWN.
Naniniwala din ang grupo na mahalaga ang papel na ginagampanan ng CBCP para sa patuloy na pagsusulong ng katarungang panlipunan sa bansa bilang tagapagsulong ng kapakanan ng mga mamamayan laban sa kawalan ng katarungan at pang-aabuso sa lipunan.
“The prophetic role of CBCP, under the new Marcos administration, is to be the strongest stalwart of justice. We are certain that the Church will always side with our people, not with our murderers.” Dagdag pa ng CRWN.
Una ng nilinaw ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na tanging ang CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs na pinangungunahan ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista na chairman ng komisyon at executive secretary Fr. Jerome Secillano ang magkakaroon ng ugnayan sa NTF-ELCAC at hindi ang buong kalipunan ng Obispo sa bansa.
Inihayag din ni Bishop David ang inaasahang pagtalakay at paglalabas ng resolusyon ng CBCP’s Permanent Council sa pakikibahagi ng kumisyon sa NTF-ELCAC partikular na ang usapin ng pagiging bahagi nito ng executive committee ng ahensya.