363 total views
Inihayag ng opisyal ng Franciscan Justice, Peace, and Integrity of Creation (JPIC) na isang oportunidad ng higit pang paglilingkod sa kapwa ang pagkahalal ng bagong pinuno ng Order of Friars Minor.
Ayon kay Franciscan Fr. Angelito Cortez, vice director ng JPIC Office sa Roma, ito ay tanda ng pag-asa lalo na sa gitna ng pandaigdigang krisis na kinakaharap ng mamamayan upang mas pag-alabin ang paglingap sa kapwa.
“Ang paghirang ng aming bagong Minister General ay tanda ng pagbubukas ng mga bagong opurtunidad upang aming pagigihin ang aming paglilingkod lalong lalo na sa mga kapus palad,” pahayag ni Fr. Cortez sa Radio Veritas.
Matatandaan sa ginanap na OFM General Chapter 2021 sa Roma nahalal si Fr. Massimo Fusarelli bilang minister general ng Order of Friars Minor.
Sinabi ni Fr. Cortez na ang pagkahalal ni Fr. Fusarelli bilang mamumuno sa O-F-M ay pagkakataon din upang sariwain ng mga kapwa Franciscano ang sinumpaang tungkulin na maglingkod sa kapwa lalo na sa mga kapus-palad at naisasantabi sa lipunan.
“Ito ay isang yugto sa aming kapatiran upang tingnan ang aming kasalukuyang kalagayan at kalidad ng buhay, sabi nga ng aming amang si San Fransisko ‘mga kapatid tayo ay magsimulang muli sapagkat hanggang ngayon wala pa tayong nasisimulan’,” saad ni Fr. Cortez.
Pinagtibay naman ni Cardinal João Braz de Aviz, Prefect ng Congregation for Institutes of Consecrated Life and Societies of Apostolic Life ang pagkahalal ni Fr. Fusarelli na mamumuno sa Franciscan community ng anim na taon (2021 – 2027).
Si Cardinal Aviz ang itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang Cardinal Delegate sa pandaigdigang pagtitipon ng mga Franciscano.
Si Fr. Fusarelli ang ika – 121 pinuno ng OFM mula kay San Francisco ng Assisi ang nagtatag ng kongregasyon noong ika -13 siglo sa Italya.
Tinanggap ni Fr. Fusarelli ang Franciscan habit noong 1982 sa edad na 19 taong gulang, 1989 naman ng isagawa ang kanyang solemn vow profession habang naordinahang pari ng parehong taon.
Nagtapos ng theology sa Pontifical University of St. Anthony sa Roma at tumanggap ng licentiate in patristic studies Augustinian Patristic Institute.
Ilan sa katungkulan ng pari bago mahalal na minister general ang pagiging general secretary ng formation and studies mula 2003 hanggang 2009, general visitor sa Province of Naples para sa unification process sa mga provinces ng northern Italy at provincial minister ng Province of St. Bonaventure mula noong Hulyo 2020.