365 total views
Ikinalugod ng mga Agustinong misyonero ang pagkilala ng pamahalaan sa Basilica Minore Del Santo Niño De Cebu bilang National Culture Treasure. Sa panayam ng Radio Veritas, inihayag ng tagapagsalita ng basilica na si Fr. Ric Anthony Reyes, OSA, na malaking karangalan na mapabilang ang simbahan sa mahahalagang gusali ng bansa. Paliwanag ng pari na nakatutulong ito upang magkaroon ng pagtutulungan ang pamahalaan at simbahan sa pangangalaga at pananatili ng istruktura ng basilica.
“This is for the betterment of the church, may connections tayo sa government regarding preservations magtutulungan tayo sa mga pangyayaring makakaapekto sa simbahan,” bahagi ng pahayag ni Fr.Reyes sa himpilan.
Nilinaw ng pari na hindi kabilang ang imahe ng Santo Nino sa idineklarang National Culture Treasure taliwas sa naunang mga ulat kundi bukod tanging ang simbahan lamang at kumbento ng basilica at ang Magellan’s Cross Pavillon. Ipinaliwanag ni Fr. Reyes na tatalakayin ng Augustinian community sa National Museum of the Philippines ang kahalagahan ng imahe ng batang Hesus na higit pa sa cultural treasure sapagkat ito ay sumasagisag sa malalim na pananampalataya ng mamamayan sa Panginoon. Nais ng mga Agustinong misyonero na mananatili sa kanilang pangangalaga ang imahe ng Santo Nino na unang ipinagkaloob ng mga Espanyol.
Matatandaang noong Abril 14, 2021 kasabay ng paggunita sa 500 Years of Christianity ng bansa ay pormal na idineklara ng National Museum of the Philippines ang dalawang istruktura ng basilica bilang kabilang sa mga pinahahalagahang gusali ng bansa batay sa Museum Resolution No. 55-2020 ng institusyon. Naniniwala si Fr. Reyes na sa pamamagitan nito ay higit pang mapalago ng bawat deboto ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon at pagbabalik tanaw sa mayamang kultura ng bansa.
“It will help deepen the devotion and witnessing of the people and along with it is the education also or in the church it is called catechism,” ani Fr. Reyes. Samantala sinaksihan naman ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang deklarasyon kasama sina Cebu Archbishop Jose Palma at ilan pang opisyal ng simbahang katolika sa bansa.