886 total reads
Binigyang-diin ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig at wastong pamamahala ng basura upang mabawasan ang epekto ng pagbaha dulot ng Habagat na pinalalakas ng mga bagyo.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, ibinahagi ni Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office spokesperson Peachy de Leon, na hindi lamang dami ng ulan ang nagdudulot ng pagbaha kundi maging ang tuloy-tuloy at matinding buhos ng ulan na maaaring pumuno sa mga drainage system at waterways.
Ipinaliwanag ni de Leon na nahahatak at napapalakas ng mga bagyo at sama ng panahon ang epekto ng Habagat na nagdadala ng matagal at malakas na pag-ulan dahilan upang mahirapan nang saluhin ng mga drainage system ang dami ng tubig.
“Mayroong mga LPA at mga bagyo na binabantayan, so nahahatak po ‘yung habagat na weather kaya po nagiging ganoon na masyadong mabigat ang buhos ng ulan at may katagalan po. Hihinto sandali tapos babalik po,” Bahagi ng pahayag ni de Leon sa Radyo Veritas.
Ayon kay de Leon, nakadaragdag din sa pagtaas ng tubig ang mga pangunahing daluyan na nakapaligid sa Quezon City, kabilang ang San Juan River, Marikina River, Quirino at La Mesa Dam na umapaw na rin bunsod ng matinding pag-ulan kaya’t hindi maiiwasan ang pagtaas ng tubig sa mga flood-prone areas na nagsisilbing catch basin sa lungsod.
“Talaga pong hindi maiiwasan na tataas po ‘yung tubig at magbabaha po sa mga areas, lalo na po sa flood-prone areas,” Paliwanag ni de Leon.
Samantala, binigyang diin din ni de Leon na mahalagang bahagi ng paghahanda sa pagbaha ang wastong segregation at pamamahala ng basura kung saan Quezon City aniya ay ipinatutupad ang household-level waste segregation na may nakatakdang araw para sa pangongolekta ng nabubulok at di-nabubulok na basura.
Ayon kay de Leon, may mga barangay representative ding nagsusuri sa mga basurang inilalabas ng mga residente, at hindi kinokolekta ang mga ito kapag hindi nasunod ang segregation, bukod dito may Materials Recovery Facilities o MRF din sa mga barangay kung saan maaaring ipalit ang ilang uri ng basura sa grocery items upang mahikayat ang mga residente na mag-segregate at mabawasan ang naiipong basura.
“Mayroon kaming MRF. Ibig sabihin po nito, ‘yung mga basura niyo ‘pag sinurrender niyo, may katumbas po itong grocery items para po ma-encourage ang ating QCitizens na talagang mag-segregate at makaiwas po sa piling up of basura,” Ani de Leon.
Gayunman, iginiit ng opisyal na hindi sapat ang paglilinis ng isang lungsod lamang dahil magkakaugnay ang mga waterways at maaaring manggaling sa ibang lugar ang basura na bumabara sa mga daluyan ng tubig.
“Kahit na po anong dredging natin, cleaning of waterways, at declogging, ang mga waterways po natin is connected po sa iba’t iba pa pong munisipyo,” Dagdag pa ni de Leon.
Dahil dito, nanawagan si de Leon ng mas mahigpit na koordinasyon at sama-samang pagkilos ng mga LGU, lalo na sa paglilinis ng mga waterways at pagpapatupad ng waste segregation.
“Mas maganda talaga na mayroong coordination among LGUs na bawat LGU naglilinis po talaga. Kasi kahit na anong linis mo kung manggagaling sa iba, which is hindi naman natin alam kung saan po nanggagaling, kaya po mas magandang sama-sama po tayo na naglilinis po talaga at nagse-segregate,” Ani de Leon.
Sa pananaw ng Simbahan, ang pangangalaga sa kalikasan at wastong pamamahala ng basura ay bahagi ng pananagutan ng bawat isa sa common home na ipinagkatiwala ng Diyos sa sangkatauhan, na hindi lamang tungkulin ng pamahalaan kundi isang pananagutan na dapat isabuhay ng bawat pamilya, komunidad at institusyon.




