1,415 total views
Hinimok ng kinatawan ng Economy of Francesco (EOF) Movement sa Pilipinas ang pamahalaan at pribadong sektor na paigtingin ang pagtutulungan sa pagpapaunlad ng agrikultura ng bansa.
Ito ang mensahe ni Viory Janeo – EOF Advocate at Faculty staff ng University of Asia and the Pacific bilang pakikiisa ngayong buwan ng National Farmers and Fisherfolks month.
Ayon kay Janeo, sa pagkakaisa ng mga Non-Government Organization (NGO’s), pribadong sektor at pamahalaan ay maisasakatuparan ang modernisasyon sa kagamitan ng mga magsasaka at mangingisda na magpapaunlad sa kanilang kabuhayan.
“We hope to see private and public initiatives aligned to help generate better production processes and create more value for the products that they produce, appropriate support that will promote their and their family well-being, and their dignity as noble workers by giving them reasonable and just wage and /or by helping them sell their products at the right price,” mensahe ni Janeo sa Radio Veritas.
Umaasa din si Janeo na magkaroon ng mga programang i-uugnay ang mga manggagawa sa agrikultura na maging bahagi ng financial market upang magkaroon ng kaalaman sa pagnenegosyo at financial literacy.
Pinapa-igting naman ng EOF Philippines ang pagsusulong ng agrikulturang pinalalago ang kita ng mga manggagawa na hindi sinisira ang kalikasan.
Sa paggunita ng National Farmers and Fisherfolks month ay hinimok ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari at HAPAG-ASA Integrated Nutrition Program ang mamamayan at pamahalaan na magkaisa upang mapaunlad ang sektor ng agrikultura na pangunahing lumilikha ng pagkain ng bansa.