208 total views
Ipinapaubaya ng Simbahang Katolika sa pamahalaan ang ginagawang operasyon sa Marawi City maging sa mga hawak na bihag ng Maute group kabilang na ang paring si Fr. Chito Suganob.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña, bagama’t natutuwa silang malaman na ligtas at buhay ang paring bihag ay wala silang magagawa kundi maghintay na mapalaya ito kasama ang iba pang bihag na pawang mga manggagawa rin ng St. Mary’s Cathedral.
“Natutuwa tayo diyan, that’s good news for us, well hindi lang naman si Father Chito. We should not forget na marami siyang kasama, at mga kilala namin yon kasama din namin sa bahay,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas, nilinaw ni Bishop Dela Peña na hindi kabilang ang Simbahan para magsagawa ng negosasyon sa armadong grupo na bumihag kay Fr. Suganob at ilan pang church workers.
“Kasi nasa gobyerno yan, its in the government’s call, to decide to enter to negotiation or not. Alam natin na simula’t sapul ay ayaw nilang makipag- negotiate. In fact I don’t want to talk about it, kung may mangyayaring mga ganyan let it be in the open, ayokong pangunahan, kasi ang ating ang pinoprotektahan yung kapakanan ng ating mga bihag na ating mga kapatid.”pahayag ni Bishop Dela Pena.
Ang reaksyon ay kasunod na rin ng ulat na palalayain si Fr. Suganob kapalit ng mga magulang ng Maute brothers na sina Cayamora at Farhana Maute na nakakulong sa Camp Bagong Diwa, Taguig.
Giit pa ng Obispo, hindi lamang ito usapin ng kaligtasan ng pari kundi maging ng iba pang bihag na hawak ng mga terorista.
“So, maghintay lang tayo kung ano ang susunod na hakbang ng gobyerno. The the ball is in their court,” dagdag pa ng Obispo.
Sa kasalukuyan ay higit na sa isang buwan ang kaguluhan sa Marawi kung saan naitala na ang higit sa 300 libong indibidwal ang lumikas mula sa kaguluhan at higit na rin sa 300 katao ang nasawi.