256 total views
Ikinalungkot ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang pagpatay sa Overseas Filipino Worker na si Amy Santiago ng kanyang amo sa mismong araw rin ng pagbitay kay Jakatia Pawa sa Kuwait.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng kumisyon, nakababahala na ang ganitong karahasan na nararanasan ng ating mga kababayan sa ibayong dagat.
Nanawagan si Bishop Santos na makamit ni Santiago ang katarungan at managot ang amo nito na pumaslang sa kanya.
Hiniling rin ni Bishop Santos na saklolohan rin ang mga naiwang kaanak ni Santiago.
“It is very alarming another life has been lost, just because of senseless and cruel physical violence. Justice must be served. Guilty must be punished. Those left behind must be assisted and helped.” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Panahon para kay Bishop Santos na suriin at higpitan ng gobyerno ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait at siguruhin ang kanilang kaligtasan at karapatan.
“It is high time that our government review our OFW deployment in Kuwait, take necessary steps to protect them and promote their rights.” giit pa ni Bishop Santos sa Veritas Patrol.
Pinaalalahanan rin ni Bishop Santos ang mga paring misyonero sa Middle East na paigtingin ang paggabay sa buhay espirituwal ng mga Pilipinong migrante roon.
“We are also and reminding our priests in Kuwait to provide what our OFW needs especially spiritually, to be more present to them. We here, together with them, are also praying for the welfare of our OFW.” paliwanag pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Si Santiago ay nagtungo sa Kuwait bilang household service worker noong Agosto 2015.
Pansamantala na ring sinuspinde ang pagpapadala ng mga domestic helpers sa Kuwait kung saan base sa ulat ng embahada ng Pilipinas ay nasa mahigit 200 libo na ang mga Pilipinong nagta – trabaho roon at tumataas pa ang bilang ng mga ito ng hanggang 15 libo kada taon.