16,020 total views
Ipinapanalangin ng youth ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagkakaroon ng sigasig ng mga kabataan na magpursige sa kanilang pag-aaral.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Youth kaugnay sa pagsisimula ng pasukan ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa bansa noong ika-16 ng Hunyo, 2025.
Ayon sa Arsobispo, nawa sa muling pagsisimula ng pasukan ay magkaroon ng lakas, sigasig at tiyaga sa pag-aaral ang mga kabataan upang maabot ang kanilang mga pangarap at magandang kinabukasan sa buhay.
“Sa mga kabataan sa muling pagsisimula ng pasukan, nawa’y magkaroon kayo ng lakas, sigasig at tiyaga upang gampanan ang inyong tungkulin bilang mga mag-aaral upang maabot ang inyong mga pangarap at upang makapag-ambag sa pagtataguyod ng inyong pamilya at bansa.” Bahagi ng pahayag ni Archbishop Alarcon.
Ipinaliwanag ni Archbishop Alarcon na mahalaga ang edukasyon para sa kinabukasan ng bawat isa lalo’t higit upang makapag-ambag sa pagtataguyod ng maunlad at masaganang pamilya, lipunan at maging sa Simbahan.
Kaugnay nito, una ng nagpahayag ng pagkilala si Archbishop Alarcon sa iba’t ibang mga inisyatibo upang matulungan ang mga mahihirap na kabataan na patuloy na makapag-aral tulad na lamang ng layunin ng Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) ng Caritas Manila na tumutulong sa pag-aaral ng may higit sa 5,000 mag-aaral mula sa buong bansa kada taon.
Nagsimula ang school year 2025-2026 sa mga pampublikong paaralan sa bansa noong June 16, 2025 at magtatagal hanggang March 31, 2026 kung saan binubuo ito ng 197-araw ng klase alinsunod sa DepEd Order No. 12, Series of 2025 na tanda ng pagbabalik sa pre-pandemic school calendar.(