2,835 total views
Mariing nanawagan ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa pagtataguyod ng pangangalaga sa kalikasan sa gitna ng lumalalang epekto ng climate change.
Kaugnay ito sa pahayag ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy hinggil sa pagputol sa apat na malalaking puno ng Acacia sa Tagbilaran City, Bohol upang bigyang daan ang isang gasoline station.
Ayon kay Bishop Uy, sapat na ang bilang ng mga gas station sa Bohol para magtayo pa ng karagdagan nito, at ilagay naman sa panganib ang mga puno na nakakatulong upang tugunan ang pag-init ng kapaligiran.
“We are badly needing huge trees like Acacia Trees because of the damaging effects of global warming and climate change. The cutting of four huge Acacia Trees is a big loss not only for this generation but for many generations to come.” pahayag ni Bishop Uy.
Pagbabahagi ng Obispo na ang mga puno ng Acacia ay malalaking puno na nang pumasok siya bilang seminarista ng Immaculate Heart of Mary Seminary taong 1979.
Hinimok naman ni Bishop Uy ang pamahalaan, mambabatas, negosyante, at iba pang ahensya na maging kabahagi at kumilos para pangalagaan ang mga natitirang puno sa lungsod at lalawigan.
Binigyang-diin pa ng Obispo na ang pangangalaga sa kalikasan ay pangangalaga at pagmamalasakit rin sa kapwa.
“Let’s work together to protect the few precious trees here. Remember that by taking care of nature, we also take care of ourselves and our loved ones.” ayon kay Bishop Uy.
Si Bishop Uy ay miyembro ng CBCP-Episcopal Commission on Cultural Heritage of the Church, at siya ring nangunguna sa mga gawain ng pagtatanim ng mga puno sa buong diyosesis bawat taon.