441 total views
Naniniwala si Novaliches Bishop Roberto Gaa na mahalaga ang pagdalo ng publiko sa mga misa sa Parokya lalu na sa panahon ng pandemya.
Sa umiiral na General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila, sampung katao lamang ang binibigyang pahintulot para dumalo sa pampublikong pagtitipon tulad ng misa.
Ang GCQ o mas mahigpit na community quarantine ay umiiral sa Metro Manila, ilang pang lungsod at lalawigan na may mataas na bilang ng naitalang kaso ng novel coronavirus hanggang sa katapusan ng Agosto.
“Ang general wellness ng tao, bahagi iyong pagsamba. Kung magkakaroon ng general wellness ang tao sa pamamagitan ng pagsimba, at hindi naman naging sanhi ang pagsimba ng mga nananampalataya… kung papayagan nilang magkaroon ng 10%, malaking bagay din iyon,” ayon kay Bishop Gaa sa programang Pastoral Visit on-air ng Barangay Simbayanan.
Paliwanag ng obispo, ang pagsisimba ay bahagi din ng pangkalahatang pagkatao ng isang mananampalataya na makakatulong sa kanilang depresyon at mga pangamba dulot na rin ng pandemya.
“Mayroon din sana’ng malawakan na pagtugon sa pangagailangan sa pamamagitan ng pagbukas ng Simbahan nang ten percent,” dagdag pa ng obispo.
Umaasa rin ang obispo na mabibigyang pahintulot ang mga parokya na makapagdiwang ng misa hindi lamang para sa 10-katao kundi sa maging sa 10-porsiyento ng mananampalataya.
Una na ring nanawagan sa pamahalaan si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na hindi naman naakmang sampu lamang ang bibigyang pahintulot sa mga simbahan lalu’t marami ang mga malalawak na parokya.