3,007 total views
Sa patuloy na pananalasa ng bagyong Paeng sa malaking bahagi ng bansa, hinikaya’t ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mamamayan na patuloy na manalangin para sa kaligtasan ng bawat isa.
Hiling din ng Cardinal ang pagtutulungan ng lahat sa mga biktima ng bagyo lalo na sa mga lugar na higit na napinsala.
Muli ring dumudulog at pinaalalahanan ng pastol ng Maynila ang pagkukulang ng bawat isa sa pangagalaga sa kalikasan na dahilan ng mas matinding pinsala ng mga bagyo sa kapaligiran, ari-arian at buhay ng mga tao.
“Kinikilala namin ang aming pagkakasala sa Iyo at sa sangnilikha hindi kami naging mabuting katiwala ng kalikasan. Kaydami naming pagkukulang bilang katiwala ng sangnilikha. Ang kapaligiran ay nagdurusa sa aming kamalian at ngayon ay aming inaani ang aming pagmamalabis at kawalang pakialam,” ayon kay Cardinal Advincula.
Hiling ng arsobispo ang kapatawaran sa pagkakasala ng bawat isa at muling pagsusumamo na iligtas ang mamamayan mula sab anta ng kalamidad.
Panalangin pa ni Cardinal Advincula, “Lumalapit kami sa Iyo, mapagmahal na Ama at humihingi ng kapatawaran sa aming mga kasalanan. Hinihiling naming na kami, kasama ng aming mga mahal sa buhay at pinagpagurang ari-arian ay ipag-adya sa banta ng mga kalamidad.”
“Ingatan nawa kayo at ang inyong mga mahal sa buhay ng ating Panginoon. Yakapin nawa tayong lahat ng maka-inang pagkalinga ng Mahal na Birheng Maria. Damayan at pagmalakasakitan po natin ang bawat isa,” bahagi pa ng panalangin ng arsobispo ng Maynila.
Sa kasalukuyan ay higit na sa 70 ang naitalalang nasawi sa lalawigan ng Cotabato makaraang manalasa Biyernes ng gabi sa bahagi ng Mindanao, Bicol at Quezon ang bagyo.
Bagama’t hindi pa nakakalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Paeng, isa pang sama ng panahon ang posibleng pumasok sa teritoryo ng bansa bago matapos ang buwan ng Oktubre, ayon sa Pagasa.
Ang bagyong Paeng ang ika-16 na bagyo na pumasok sa Pilipinas mula sa higit 20-bagyo na inaasahan kada taon.