6,990 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa Pang-Apat na Linggo ng Kuwaresma, 3 Abril 2025, Eksodo 32:7-14; Juan 5:31-37
Kung masakdal sa Korte ang isang tao at imbes na umasa siya sa depensa ng isang abogado ay makiusap siya sa Husgado na siya na lang mismo ang magtatanggol sa sarili niya, pagbibigyan kaya siya ng Korte? Akala ko hindi pwede, pwede pala, ayon sa batas. Ang karapatang ito ay nakabase pala sa prinsipyo ng “self-representation” at kinikilala ng maraming mga sistemang legal sa mundo.
Parang ganito ang sinasabi ni Hesus sa binasa nating ebanghelyo. Na hindi niya kailangan ang tagapagtanggol, at hindi rin niya kailangan ng saksi. Kahit kusang tumayo si Juan Bautista bilang witness o patotoo sa kanya, hindi daw si Juan Bautista ang pangunahing saksi kundi siya mismo at ang gawain niya. Sapat na katibayan na daw ito para patunayan na mali ang sakdal sa kanya, na galing nga siya sa Ama.
Pero inaamin din niya na walang katibayang katanggap-tanggap kapag ayaw talagang maniwala ng tao. Kapag sarado na talaga ang kanilang puso at isip. Binanggit rin ni Hesus ang Banal na Kasulatan bilang patotoo— ano daw ba ang magagawa ng Diyos mismo kung ayaw ng tao na makinig?
Pagkatapos ay ibabalik ni Hesus ang tanong sa mga kumukuwestiyon sa kanya. Sabi niya, “Hindi ako kundi si Moises ang pinili ninyong hindi paniwalaan.” Dahil si Moises nga naman ang kumakatawan para sa Batas (o Sampung Utos).
Akmang akma sa temang ito ng ebanghelyo ang narinig nating unang pagbasa mula sa Eksodo. Umakyat sa bundok si Moises para tanggapin ang Batas na batayan ng kasunduan ng Bayang Israel at ng Panginoon. Nagbilin siya na matatagalan siya ng konti pero babalik siya. Pero dahil naatraso ang pagbabalik niya, nainip sila, hindi na makahintay, kaya nagkasundo ang mga tao na sabihan si Aaron na igawa na lang sila ng gintong bakang diyos-diyosan na kanilang sasambahin. Kaya nagalit ang Diyos.
Dito, ang Diyos ang para bang nagsasakdal sa bayang Israel. Na sila’y nagtaksil sa Diyos na nagligtas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto. At si Moises ay para bang tumayo bilang tagapagtanggol sa bayang suwail at pasaway. Ang orihinal na papel na iniatang ng Diyos sa kanya ay maging Tagapagsalita lamang. Pero dito, naglakas-loob siya na gampanan ang isang papel na lampas na sa gawain niya: ang mamagitan, ang magmakaawa para sa bayang Israel.
Kaya ganito ang pakiusap ni Moises, “Panginoon, alam ko pong galit kayo at totoong malaki ang kasalanan ng bayan, pero parang awa na po ninyo, huwag po ninyong ibuhos ang matinding galit ninyo.” Napapangiti ako sa sinabing ito ni Moises. Para bang pinapakiusapan ang Diyos na maghunos-dili. Na baka daw may masabi pa ang ibang mga bansa, “Iniligtas nga niya sila mula sa Egipto pero pinuksa naman sila sa disyerto.” Parang psychologist ang dating ni Moises dito. Para siyang pumapapel bilang counselor para kalamayin ang galit ng Diyos.
Ganito rin ang dating ni Hesus nang nakapako na siya sa krus. Imbes na isumpa ang mga nagbitay sa kanya, inihingi sila ng tawad sa Diyos at sinabing “Ama, patawarin mo po sila, hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” Nahihibang sila, o nawawala sa sarili. Alam niya na makatarungan ang Diyos. Pero alam din niya na ang katarungan niya ay laging nahihigitan ng kanyang awa, habag, at patawad.