6,770 total views
Nanawagan sa pamahalaan ang mga kaanak ng biktima ng extrajudicial killings sa kampanya kontra illegal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbayad ng danyos.
Ito ang inihayag ni Fr. Manuel Gatchalian SVD, Special adviser of relatives of victims sa pagharap sa Quad Committee ng Mababang Kapulungan na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, kung saan kabilang sa iniimbestigahan ng joint panel ang mga naganap na pagpaslang sa nakalipas na kampanya kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
“Sapagkat from the point of view of the victims, hanggang ngayon walong taon na ang nakalilipas ay wala naman silang natatanggap. Dahilan po, sa nawalan sila ng bread winner, nawalan ng mahal sa buhay at sila’y mahihirap, At sana po na sa pagdating ng panahon, sakaling mapatunayan na state sponsored ito, at para hindi matuloy ang impunity-ibig sabihin na patuloy ang patayan ay kinakailangang panagutin at bayaran nila ang mga biktima.” pahayag ni Fr.Gatchalian.
Ang pari ay kabilang sa mga inanyayahan na dumalo sa ikalimang pagdinig ng Quad Comm ng Kamara, kasama rin ang Rise Up for Life and for Rights, Commission on Human Rights at National Union of Peoples’ Lawyers.
Kabilang din sa mga humarap sa pagdinig, si dating Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, na nagsilbi rin mataas na opisyal ng pulisya sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang alkalde ng Davao at kalaunay nalahal na Pangulo ng bansa.
Si Garma, ay ang itinuturo ng ilang mga testigo na siyang nagmando sa pagpaslang sa tatlong Chinese drugs lords sa loob ng Davao Prison and Penal Farm noong 2016, na nagsasangkot din sa dating pangulo.
Sa pagdinig ng komite, ipinag-utos ang pagkulong kay Garma sa house detention facility hanggang sa matapos ang pagdinig o hanggang sa makipagtulungan ito sa pagsisiyat ng komite.
Ito ay matapos na aprubahan ng komite na i-cite in contempt si Garma dahil sa kanyang mga hindi malinaw na mga sagot sa mga tanong ng mga kongresista sa isinagawang pagdinig nitong Huwebes.