4,859 total views
Ipinag-utos ng Diocese of Gumaca sa pamamagitan ng liham sirkular ni Diocesan Administrator Fr. Ramon Uriarte ang pag-usal ng mga panalangin ng paghahanda para sa bagong obispo.
Ito ang hakbang ng diyosesis makaraang italaga ng Kanyang Kabanalan Francisco si Fr. Euginius Cañete, MJ bilang ikaapat ng obispo ng Gumaca, Quezon.
Sinabi ni Fr. Uriarte na dadasalin ang panalangin sa lahat ng misa sa mga parokya, mission station, monasteryo, seminaryo, parochial schools at iba pang pook-dalanginan ng diyosesis bilang pakikiisa sa paghahanda ni Bishop-elect Cañete.
“Ipanalangin natin sa Diyos ang paghahanda ni Bishop-elect Eugene para sa kanyang tungkulin bilang Lingkod-Pastol ng ating Diyosesis,” bahagi ng mensahe ni Fr. Uriarte.
September 30 nang inanunsyo ng Vatican ang paghalal kay Bishop-elect Cañete bilang punong pastol habang kasalukuyan itong coordinator general ng Missionaries of Jesus na kanilang itinatag noong 2002.
Ito ang kahalili ng namayapang si Bishop Victor Ocampo noong 2023 na nagbunsod sa pagiging sede vacante ng diyosesis sa loob ng isang taon.
Pamumunuan nito ang halos isang milyong populasyon ng mga katoliko ng Gumaca katuwang ang mahigit 70 mga pari sa 29 na mga parokya.
Ipinanganak ang bagong halal na obispo sa lalawigan ng Cebu noong 1966, nagtapos ng kursong psychology sa University of St. La Salle sa Bacolod City bago kumuha ng Philisophy at Theology sa Maryhill School of Theology sa Quezon City.
Naordinahang pari si Bishop-elect Cañete noong 1995 sa Congregation of the Immaculate Heart of Mary (CICM) habang 2003 naman ng makakuha ng licentiate degree ng canon law sa Pontifical Gregorian University sa Roma.
Sa kasalukuyan ay nagtuturo ang pari sa iba’t ibang religious institutions sa Quezon City kabilang na ang Recoletos School of Theology, Institute of Formation and Religious Studies, Inter-Congregational Theological Center, at Saint Vincent School of Theology.
Sa kasalukuyan ay kasapi si Bishop-elect Cañete sa Catholic Theological Society of the Philippines at Canon Law Society of the Americas.
PANALANGIN NG PASASALAMAT SA BIYAYA NG PAGKAKALOOB NG BAGONG OBISPO