187 total views
Inihayag ni Father Mark Grandflor – Social Action Center Director ng Archdiocese of Capiz na maituturing nang maayos ang nasasakupan ng kanilang Arkidiyosesis matapos manalasa ang bagyong Agathon, pagpasok pa lamang ng taong 2018.
Paliwanag ng Pari, bagamat hindi pa tuluyang humuhupa ang tubig baha sa mga rice fields ng bayan ng Pontevedra na nagsisilbing catch basin ng buong lalawigan ay maayos naman ang takbo ng pamumuhay sa ibang bahagi ng kanilang lugar.
Pinasalamatan din ng pari ang Radyo Veritas, Caritas Philippines at Caritas Manila sa mga naipaabot nitong tulong sa bawat residenteng naapektuhan ng bagyong Agathon.
“Of course sa Veritas at sa Caritas Manila, nakita naman namin na yung proposal namin for food relief na natugunan naman … Sa ngayon may mga areas pa na may tubig sa last na municipality which we consider na catch basin talaga, pero yung mga tulong na nauna nating ibigay, nag preposition tayo ng food relief we have 200 packs consist ng 5kilos na rice mga de lata kape at dried fish, naibigay nay un pero may isang area pa na vinavalidate,” bahagi ng pahayag ng pari sa Veritas.
Samantala, itinuturing din ni Father Grandflor na biyayang nagpalakas sa pananampalataya at pagtutulungan ng mga tao ang mga dumaraang pagsubok sa kanilang Arkidiyosesis.
Ipinagpasalamat din ng pari na dahil sa mga dumarating na kalamidad ay lumalabas ang natural na pagiging matulungin ng bawat tao at ipinagkakaloob ng mga ito ang lahat ng kanilang makakayanan para sa kapwang nangangailangan.
“The resiliency of the people of Capiz and the faithful of the Archdiocese na nandyan talaga ang pagtutulungan… In a way, yung calamity, yung bagyo, let’s say some of the disasters na mga ito, nagpapatunay na yung puso natin na gustong tumulong kung ano yung kaya, talagang babangon at babangon po tayo. Aahon at aahon po tayo. So one way, a test of our faith na mga problemang ganito, nagtutulungan yung tao so we praise God for that, and we continue to serve for the greater glory of God” dagdag pa ni Father Grandflor.
Matatandaang ang Bagyong Agathon ang unang kalamidad na bumungad sa Pilipinas sa pagpasok pa lamang ng taong 2018.
Anim na beses itong nag landfall sa iba’t ibang bahagi ng Visayas na una naring nasalanta ng bagyong Yolanda noong 2013, at ng bagyong Urduja at Vinta nito lamang 2017.