163 total views
Naniniwala ang isang eksperto na hindi ang konstitusyon ang problema ng bansa para tugunan ang problema ng kahirapan lalu na sa mga lalawigan at hindi pa mauunlad na lugar sa Pilipinas.
Ito ang pahayag ni Atty. Christian Monsod- isang constitutional expert at miyembro ng 1996 Constitutional Commission.
Ayon kay Monsod, tulad ng puna ng ilang eksperto maraming maaring mangyari na hindi inaasahan dahil na rin sa pag-iral ng political dynasty – o miyembro ng iisang pamilya na umuokupa ng posisyon sa pamahalaan- sa malaking bahagi ng bansa.
“Kasi ngayon po, malaki ang problema natin iyong mga political dynasties. Hawak nila ang kapangyarihan at kayamanan sa mga probinsya. Kung bibigyan natin sila…idecentralized natin ang powers and resources ‘yun po kaya ay bababa sa ordinaryong mamamayan o ito po ba ay kukunin sa kanilang pansarili ‘yung mga resources na ‘yan na ginagawa nila ngayon. Sa palagay namin ganun ang mangyayari. It will not empower and go to the people ang mga resources na ‘yun. Because that’s the history of our country,” paliwanag ni Monsod.
Giit ni Monsod, hindi ang pagbabago ng konstitusyon ang solusyon sa pagkakaroon ng ‘Imperial Manila’ sa halip ay ang hindi pagpapatupad ng local autonomy at social justice sa Pilipinas na una nang tinataglay ng Saligang Batas.
“Ang problema ay ngayon…yung Konstitusyon natin ay not fully implemented iyan ay utos ng constitution natin ngayon. At saka ang social justice para we can face or address iyong problema ng poverty and inequality. Kasi ang hadlang diyan sa implementation ng ating konstitusyon ay iyong congress for example hindi nila binibigyan ng sapat na budget ang agrarian reform. For example, nilalagyan nila ng loopholes iyong mga laws that are meant to help the poor,” ayon kay Monsod.
Layunin sana ng pederalismo ang pagkakaroon ng pantay na mapagkukunan ng yaman at pag-unlad lalu na sa kanayunan.
“Ang pederalismo ang sabi nila ito ang paraan para mawala ang imperial Manila at kailangan ay ating bigyan ng mga responsibilidad, power at resources yung out laying areas dahil masyadong diperensya ng economic growth, development between Manila and the out laying areas. Subalit marami itong pitfalls, maraming nangyayari kumpara sa inaasahan,” ayon kay Monsod.
Sa isang pag-aaral noong 2014 ng New York University, nasa pagitan ng 50-70 porsiyento ng mga pulitiko ay bahagi ng political dynasty sa Pilipinas.
Sa mga naunang mensahe ng Catholic Bishops Conference of the Philippines binigyan diin nito na hindi monopolyo ang paglilingkod sa bayan dahil ang bawat isa ay may kakayahan na mamuno bilang lider ng bansa.