280 total views
July 18, 2020-9:00am
Umaasa ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) na bibigyang pansin sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagkakaroon ng mass testing.
Lalu na’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng virus sa bansa at ang epekto nito sa kabuhayan ng mga Filipino.
Ayon kay AMRSP co-executive Secretary Fr. Angel Cortez, OFM nawa ay makita na ng pamahalaan ang kahalagahan ng matagal ng panawagan ng mamamayan para sa mass testing upang epektibong matugunan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit sa bansa.
Paliwanag ng Pari, mahalagang matiyak ng Pangulong Duterte sa publiko ang malinaw na plano ng pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19 lalu na ang mass testing.
“Matagal na nating ipinapanawagan yan na magkaroon ng mass testing, yung libre at accessible na mass testing pero kung mapapansin mo ngayon magkano magpa-Rapid Test 1,500 – 1,800, magpa-Swab Test ka 6,500 – 8,500 so sana banggitin ng Presidente na meron na talaga tayong klarong plano at mass testing,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radyo Veritas.
Umaasa rin ang Pari na maihayag ng Pangulo ang plano ng pamahalaan para sa mamamayang nawalan ng hanapbuhay at mapagkakakitaan dulot ng pandemya.
Ayon pa kay Fr. Cortez, mahalagang matugunan din ang usapin ng unemployment sa bansa na matagal ng problema ng maraming mga Filipino.
“Ano yung back-up plan ng gobyerno sa mga nawalan ng trabaho, isang malaking usapin yung unemployment nung ngang wala pang COVID-19 marami ng walang trabaho, ngayon pa,” dagdag pa ni Fr. Cortez.
Hunyo ng lumabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umaabot na sa 7.3-milyong Filipino ang walang trabaho at noong Abril ay naitala ang pagtaas ng 5.3-porsyento mula sa tala noon lamang Enero ng taong kasalukuyan, nangangahulugan ito ng karagdagang 5-milyong indibidwal na walang trabaho.
Umaapela rin si Fr. Cortez sa pamahalaan upang tuluyan ng pahintulutan ang ganap na pagbubukas ng mga Simbahan sa bansa sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
Giit ng Pari, hindi makatarungan ang pagpapahintulot sa tuluyang pagbubukas ng mga mall, pamilihan at iba pang establisyemento habang ang mga Simbahan ay patuloy na nililimitahan ang bilang ng maaring dumalo sa mga misa.
Paliwanag ni Fr. Cortez, ang mga Simbahan at iba pang lugar dalanginan ay ang siyang matatakbuhan ng mga mananampalataya upang humingi ng tulong sa Panginoon sa gitna ng patuloy na mga pangamba, pangungulila at paghihirap na dulot ng pandemiya sa bawat isa.
“Ang Simbahan na takbuhan ng mga mananampalataya para humingi ng tulong sa Panginoon at para pagaanin ang kanilang kalooban ay hindi pa sila nare-resolve na buksan, so iyon yung tatlong pangunahing bagay na gusto kong banggitin niya sa kanyang SONA,” apela Fr. Cortez.
Simula ng ipatupad ang mahigpit na community quarantine pansamantalang sinuspendi ng mga Simbahan ang pagsasagawa ng mga pampublikong misa noong ng Marso bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19.
Sa pagpaluwag ng lockdown, mula sa dating 10-katao ay ginawa itong 10-porsiyento ng kapasidad ng parokya base sa itinakda ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) para religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine.
Limampung porsyento naman ng kapasidad ng mga Simbahan sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Inaasahan sa ika-27 ng Hulyo ang 5th SONA ng Pangulong Duterte para mag-ulat sa bayan sa mga programang naipatupad ng pamahalaan at ang kasalukuyang kalagayan ng bansa lalu n amula sa kinakaharap na krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.