370 total views
May tatlong kahilingan ang sektor ng magsasaka sa administrasyong Duterte na dapat nitong tugunan sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Ed Mora, chairman ng Pambansang Kaisahan ng mga Magbubukid sa Pilipinas, sa halos anim na buwan ng panunungkulan ng Pangulong Duterte ay wala pa itong naibibigay sa mga nauna ng naipangako nito para sa mga magsasaka.
“Top 3 priorities una ang agrarian reform program kasi dito lahat umiikot ang usapin ng pag-unlad ng mga magsasaka sa kanayunan; Ikalawa, ang usapin ng fisheries na amin ding mga kasama dual sim kasi kami; at pangatlo, malaking usapin sa pondo ng coco levy, na nasa National Treasury na kayang kayang lusutan na ito dahil panalo na kami sa Korte Suprema,” pahayag ni Mora sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Mora na nalulungkot sila dahil inaasahan nila na mabilis ang pagtugon ng adminsitrasyon lalo na sa usapin ng reporma sa lupa subalit magpahanggang ngayon wala pa itong nagagawa sa kanilang mga hinaing.
“After 5 months ay hindi pa namin maramdaman, katunayan yung mga programa namin gaya ng reporma sa lupa, inaasahan namin mabilis ang patugon, pero ang kakalungkot wala pa siyang sinasabi kung paano niya ipapatupad ang reporma sa lupa,” ayon kay Mora.
Sa record ng Abono partylist, ang sektor ng agrikultura ay may 10.93 milyong manggagawa sa kabuuang 36.42 milyong workforce, o katumbas ng 30 porsiyento ng total employment.
Sa Social Doctrine of the Church, dapat pahalagahan ng pamahalaan at mga negosyante ang mga maliliit na manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na kita at benepisyo dahil sila ang mayorya sa nagpapaunlad sa ekonomiya ng bansa.