152 total views
Patuloy na umaasa ang CBCP Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care sa pangako ng Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay ng executive clemency sa mga matatandang bilanggo at sa mga may malalalang sakit.
Ayon kay Bro. Rudy Diamante, executive secretary ng komisyon, halos naiinip na sila sa pangakong ito at nangangamba pa sila dahil unpredictable ang pangulo sa kanyang mga desisyon kaya ito ay tumatagal.
Muling nabuksan ang paghingi ng executive clemency matapos na bigyan nito ng Pangulo ang actor na si Robin Padilla kamakailan.
Pahayag pa ni Diamante na patuloy na nakikipag-ugnayan ang kanilang komisyon sa gobyerno para lumakad na ang proseso ng hinihingi nilang clemency.
“On our part we have been trying to look at people in the gov’t kung sino ang pwede makausap, I think the bishop (Bishop Tumulak) has talk to some of the people that he knows in gov’t ang sabi lang sa kanya, sasabihin natin kay Presidente, pero ultimately ang Pangulo ang gagawa ng desisyon, eh ang Presidente natin is very unpredictable parang ‘di mo alam kung ano ang nasa isip niya kung nakikinig siya sa iba, ‘yan ang aming predicament…nakabinbin pa rin of course mayroon siyang (Duterte) pronouncement na 80 years old above and nakapagsilbi na ng 40 years palalayain niya so mas lalo kaming naging apprehensive doon kasi even under the law walang tatagal ng 40 years, actually 30 years na talagang palalayain na whether there is an executive clemency or not.” Pahayag ni Diamante sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon kay Diamante, tinatayang nasa 500 bilanggo na may gulang 70 pataas ang humihingi ng executive clemency kay Pangulong Duterte na nawa ay maibigay sa kanila ngayong Pasko bilang regalo para sa kanilang pagbabagong buhay kapiling ang kanilang mga pamilya.
Sa nagdaang administrasyong Aquino, walong matatandang bilanggo lamang ang nabigyan nito ng executive clemency.