1,731 total views
Isang malaking pananagutang moral ang maging mabuting katiwala ng sangnilikha ng Diyos.
Ito ang bahagi ng bukas na liham ng Apostolic Vicariate ng Puerto Princesa at Taytay, Palawan bilang pagpapahayag at panawagan ng pagmamalasakit sa mga likas na yaman ng lalawigan.
“Katangi-tangi ang likas na kagandahan at likas na kayamanan ng Palawan kaya nararapat lamang na natatangi rin ang pagkalinga sa Kanya upang matiyak na ang napapakinabangan natin ngayon ay matamasa pa rin ng mga susunod na henerasyon.” ayon sa liham.
Nilagdaan ito nina Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, Taytay Bishop Broderick Pabillo, Taytay Bishop-emeritus Edgardo Juanich, at lahat ng pari ng parehong apostoliko bikaryato.
Binigyang-diin sa liham na tulad ng ibang lugar sa rehiyon ng MIMAROPA na nagsikap na maipasara ang minahan, nawa’y maitaguyod din ang higit na pagsisikap na mapangalagaan ang itinuturing na ‘Last Ecological Frontier’ ng Pilipinas.
Ikinalulungkot ng mga Obispo at pari ng dalawang apostoliko bikaryato ang kalagayan ng mga katutubo at magsasaka ng lalawigan na direkta at higit na apektado ng mga mapaminsalang proyekto tulad ng pagmimina.
Kaya naman isinusulong ng lokal na simbahan ang makatotohanang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan na may pagmamalasakit lalo na sa mga mahihirap; Pagbabawal sa pagpapalawig, pagpapalawak at pagbubukas ng mga minahan; at hikayatin ang mga kinauukulan na managot sa pagpapanumbalik ng mga nasirang likas na yaman.
Panawagan ding tutukan ang mga programa sa agrikultura at turismo, at higit pang pagpapalaganap ng kahalagahan ng mga likas na yaman ng Palawan.
“Iisa lamang ang ating lalawigan. Dapat natin itong pahalagahan at pangalagaan. Tayo nawa’y maging daan ng pagkakaisa at pagkakasundo dahil lahat naman tayo ay iisa lamang ang layunin – para sa mamamayan at alang-alang sa ating Palawan.” ayon sa liham