242 total views
Sinang-ayunan ni Barangay 158 Baesa, Caloocan City Captain Jose Secuana ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang press conference sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na 40-porsiyento ng mga barangay captain sa bansa ay sangkot sa illegal na droga.
Ayon kay Secuana, totoo ang pahayag ng pangulo kung saan maraming kapitan ng barangay ang dawit sa paggamit ng ipinagbabawal na gamut.
Inihalimbawa ni Secuana ang kaibigan niyang barangay captain na aminadong drug user na pinatay isang araw matapos personal na sumuko sa Malacañang.
“Mayroon akong isang kaibigan [Barangay Captain] sa Caloocan din na nasangkot sa drugs, sumuko s’ya ng personal. Sumuko s’ya nung biyernes sa Malacañang tapos nung Sabado ng madaling araw pinatay siya,” kuwento ni Secuana.
Hinihiling naman ng kapitan sa pangulong Duterte na tukuyin at isapubliko ang listahan ng mga barangay captains na sangkot sa illegal na droga upang malinis ang pangalan ng mga tapat na naglilingkod sa bayan.
Pinagtatalunan sa kasalukuyan ang panawagan ni Pangulong Duterte na ipagpaliban muna ang 2017 barangay elections at i-appoint na lamang niya ang mga ito upang mapigilan ang mga narco-politicians na humawak ng puwesto.
Sa tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), 8,629 na mga barangay mula sa kabuuang 42,065-barangay sa Pilipinas ay nakapagtala ng mga drug related cases kung saan nangunguna ang paggamit sa shabu.
Patuloy naman ang rehabilitation program ng Simbahan sa mga drug pusher at users na nagnanais magbagong buhay.
See: http://www.veritas846.ph/huwag-sumuko-sa-mga-naligaw-ng-landas-sa-droga-cardinal-tagle/
Sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika, tanging kasalanan at pagkasira ng buhay ang maidudulot ng pagtangkilik ng tao sa ipinagbabawal na gamot.