234 total views
Tiniyak ng grupong Rise Up for Life and for Rights ang patuloy na pagsusulong ng makataong pamamaraan ng pagsugpo ng illegal na droga sa bansa sa gitna ng patuloy na madugong war on drugs ng pamahalaan.
Bukod dito, hinimok ni Rev. Fr. Gilbert Billena, spokesperson ng grupo na dapat linawin ng administrasyon ang mga polisiya sa kampanya laban sa illegal na droga.
Ayon kay Father Billena, ang kawalan ng malinaw na polisiya at paiba-ibang pahayag ng pangulong Duterte ay nagdudulot ng mga maling persepsiyon hindi lamang sa mamamayan kundi lalo na sa mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.
“Tuloy-tuloy po yung protesta natin na wakasan na yung patayan, dapat makataong solusyon po sa War on Drugs. Linawin din ni Pangulo ang kanyang polisiya, “kapag walang baril, barilin niyo” mis-interpret po yan sa ating mga kapulisan…” pahayag ni Father Billena sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, muli ring umapela sa pamahalaan si United Nations Special Rapporteur Agnes Callamard para sa pagsasagawa ng patas na imbestigasyon upang mabigyang katarungan ang sinapit hindi lamang ng 17-taong gulang na si Kian Delos Santos kundi maging sa iba pang kaso ng unlawful deaths na may kaugnayan sa illegal na droga.
Magugunitang nauna nang kinundina ng Simbahang Katolika ang patuloy na madugong operasyon ng mga pulis laban sa illegal na droga kung saan sa pinakahuling serye ng isinagawang operasyon ng PNP sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay umabot sa halos 32-indibidwal ang naitalang namamatay kada araw.
Read: Reflect, Pray and Act
Pairalin ang batas at hindi pamamayani ng baril
Binigyang diin ng Simbahan na kailanman ay hindi magiging lunas ang pagpatay sa problema sa ilegal na droga na nagiging normal na lamang sa bansa.
Sa kasalukuyan, tinataya ng mga human rights advocates na umaabot na 12-libo ang bilang ng drug-related killings sa buong bansa mula ng ilunsad ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.