181 total views
Nilinaw ni Vice President Leni Robredo na inihayag lamang niya ang nakakaalarmang pagdami ng kaso ng extra-judicial killing sa Pilipinas sa ipinadalang video message sa United Nations International Drug Control Covention sa Vienna, Austria.
Ipinaliwanag ni Georgina Hernandez, tagapagsalita ni Vice President Rodredo na nakabase sa mga makatotohanang datos ang nilalaman ng video, at hindi layunin nito na kalabanin si pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Hernandez, nais lamang ni Robredo na matigil ang e-j-k kaya nanawagan ito sa pamahalaan na magtulong-tulong upang tunay na malinis ang hanay ng kapulisan na sangkot sa mga pagpatay.
Inihayag ni Hernandez na ng pangalawang Pangulo na maging tinig para sa mga mahihirap na biktima ng mga pagpatay, at mabigyan ng katarungan ang mga pamilyang nangungulila sa kanilang mahal sa buhay na nasawi sa war on drugs.
“Pinalalakas lamang niya yung boses ng mga pamilyang Filipino na hindi alam kung saan sila sasangguni dahil natatakot para sa kanilang buhay. At yun ay paglalahad lamang ng mga nangyayari sa ating bansa at yung bandang dulo ay panawagan sa administrasyon na tuparin yung pangako na linisin yung hanay ng kapulisan, pangalawa ay magkaroon ng imbestigasyon sa mga extra judicial Killings.” paglilinaw ni Hernandez sa panayam sa Programang Veritas Pilipinas
Iginiit ni Hernandez na may legal na pamamaraang pinag-aaralan ang kanilang kampo kaugnay sa mga bashers ni Robredo na nagbabanta sa kaligtasan ng kanyang tatlong anak na babae, at naninira sa yumaong asawa na si DILG Sec. Jesse Robredo.
Sinabi ng tagapagsalita ng pangalawang pangulo na sisikapin nilang maturuan ang mga Filipino na kumilatis ng mga pekeng balita.
Kasama rin sa hakbang na matuturuan naman ng leksyon ang mga umaabuso sa paggamit ng Social Media na nakasisira na sa buhay ng ibang tao.
“Isang adbokasiya rin yung matigil na talaga ang mga fake news at mamulat ang bawat ordinaryong Filipino na matutong mangilatis kung ano talaga ang tama at mali. Pangalawang seryosong pinaghahandaan ay ang isang legal case para masampahan ng kaso yung mga gumagawa ng mga masasamang bagay sa social media na hindi na rin safe para sa atin at sa ating environment.” Pahayag pa ni Hernandez.