150 total views
Umaapela ang Diocese ng Kalookan sa mga mananampalataya na suportahan ang kanilang mga programa ngayong panahon ng Kuwaresma na naglalayong tumulong sa mga nangangailangan.
Ayon kay Rev. Fr. Benedict Cervantes, Social Action Director ng Diocese of Kalookan, natutuwa sila sa magandang tugon ng publiko sa kanilang fast to feed program na sinimulan noong Ash Wednesday naglalayong tulungan ang mga malnourished children at mabigyan sila ng sapat na pagkalinga.
Umaasa si Fr. Cervantes na suportahan din ng mga mananampalataya ang programa para sa Alay Kapwa kung saan layunin na makalikom ng pondo para itulong sa mga mangangailangan sa oras ng kalamidad.
“Sa ating alay kapwa naman po taon-taon natin itong ginagawa na every holy week nagbabahagi tayo ng ating makayanan sa ating mga kapwa na may pangangailangan, patuloy po ang panawagan ng ating Diocese, ng ating Simbahan na pagbibigay ng tugon sa pangangailangan ng mga kapatid natin ngayon na panahon ng semana santa.”pahayag ni Fr. Cervantes sa Damay Kapanalig.
Magugunitang tuwing linggo ng palaspas o Palm Sunday ay nagsasagawa ng second collection sa iba’t-ibang mga parokya kung saan ang nalilikom na pondo ay siyang ginagamit sa mga relief operation o rehabilitation program ng Simbahan sa mga biktima ng kalamidad.
Hindi bababa sa 20 bagyo kada taon ang nararanasan ng bansa kung saan ang Simbahan ay aktibong tumutugon sa pangangailangan ng mga biktima.
Kaugnay nito, ang Himpilan ng Radyo Veritas at Social Arm ng Archdiocese of Manila na Caritas Manila ay magsasagawa ng Alay Kapwa Telethon sa ika-10 ng Abril bilang tugon sa panawagan ng nasabing programa.