Tiniyak ng pamunuan ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang suporta na maisapubliko ang imbestigasyon kaugnay sa maanomalyang infrastructure project ng pamahalaan na nagsasangkot sa mga mambabatas at mga opisyal ng gobyerno.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay ICI Executive Director Brian Keith Hosaka, inihahanda pa ng ICI ang mga patakaran para sa ‘livestreaming’ upang masaksihan ng publiko ang isinagawang pagdinig ng komisyon.
“’Yung sa ‘livestream’, importante po para sa amin ang magkaroon ng livestreaming rules, rules of procedure para malaman po namin kung ano po ang magiging patakaran naming with regards to livestreaming. Dalawang pong bagay ang binabalanse ng komisyon d’yan-on one hand binabalanse namin ang clamor ng tao, na magkaroon ng transparency,” ayon kay Hosaka.
Dagdag pa ng opisyal ng ICI, “Kami rin naman po wala kaming issue with regard to that, transparency para makita ng tao kung paano nagko-conduct ng hearing ang komisyon. Pangalawa naman po, dun sa kabila naman po ay binabalanse rin po namin ang karapatang pantao ng mga iniimbitahan namin na resource person at yung kanilang maaring maidawit. Tine-take in consideration po namin, plus the fact, even po yung mga ruling ng Supreme Court, mga current laws with regard to privacy, with regard to information na..pagse-share ng information.”
Paliwanag ni Hosaka, hangad ng ICI na malaman ng publiko ang katotohanan subalit kailangan ding mapangalagaan ang Karapatan ng mga taong inaakusahan.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng ICI na malaki ang naitutulong ng pagdinig ng Senado na kamakailan lang ay muling nagsimula ang imbestigasyon sa pamumuno ni Blue Ribbon Committee Senator Panfilo Lacson.
Inihayag ni Hosaka na sa kasalukuyan ay may apat nang kaso ang naisumite sa Ombudsman, kung saan kabilang dito ang may 37 akusado kabilang na sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, dating Usec. Roberto Bernardo at Usec. Cabral.
“So far, apat na po ang kaso na nai-refer na naihain namin sa Ombudsman. ‘Yan po ang naibigay namin it covers around 37 na individuals, hihintay na lang po natin ang magiging aksyon ng Ombudsman, kung ito po ay masasampahan sa Sandiganbayan or to the lower courts,” ayon sa panayam kay Hosaka.
Bukod sa Sandiganbayan, nagtalaga na rin ng 26 na special court ang Supreme Court para humawak sa mga kaso kaugnay sa mga anomalya sa infrastructure case.
Kasama din sina dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at ang mag-asawang kontratista na sina Pacifico at Sarah Discaya, ilang senador at mga dating senador.
Binigyang-linaw naman ni Hosaka na walang kapangyarihan ang ICI na mag-issue ng hold departure order at pagbawi ng pasaporte laban sa mga inaakusahan hanggat hindi nasasampahan ng kaso ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang mga sangkot.
Ito rin aniya ang ilan sa mga hiniling ng ICI sa naging pagdinig ng Senado, na maging karagdagang kapangyarihan ng komisyon, na sinang-ayunan ng mga mambabatas sa parehong kongreso.
Sa kasalukuyan, tinututukan ng ICI ang 421 kaso ng ghost projects ng DPWH.
“Mas madali nating mapatunayan sa korte na meron talagang may kasalanan. So, dito po kami nakatuon dito sa ghost projects. ‘yan po ang methodology na nakikita naming na mapapabilis ang proseso. But it doesn’t mean that we will not be looking at other projects. Katulad na rin sa DepEd, farm to market roads at marami pang infrastructure projects,” ayon kay Hosaka.
Ang bilang ay mula sa kabuuang 238 libong infrastructure project ng DPWH, kung saan 30,000 sa mga ito ay pawang mga flood control projects.






