141 total views
Sa ikaapat na pagkakataon ay muling nagsama-sama ang mga mananampalataya mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang ipagdiwang ang kadakilaan ng Diyos sa Philippine Conference on New Evangelization (PCNE4) 2017.
Hindi napigil ng masamang panahon ang may nasa anim na libong mga pari, madre, kabataan at lay people na magtungo sa University of Sto. Tomas upang iproklama ang mabuting balita ng Panginoon sa ilalim ng tema ngayong taon na ‘Of One Heart and Soul.’
Sinimulan ang pagdiriwang sa Misang Bayang Pilipino na pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na sinundan naman ng mga ‘Heart Encounters’ o magkakasunod na mga panayam patungkol sa papel ng Panginoon sa iba’t ibang aspeto ng lipunan.
Kaugnay nito ay binigyang diin ni Fr. Henry V. Lozano ng Missionaries of the Poor Congregation sa kanyang Talk on Social Justice ang walang maliw na pagmamahal at pag-akay ng Diyos sa mga mahihirap.
“It is easier for people who are materially deprived to turn to God whereas people who have what they need materially sometimes what often happens is they place their trust in those very material things that they possess rather than trusting God Himself who has provided them all of those things,” pahayag ng pari.
Samantala hinihikayat naman ni St. Scholastica’s College Vice President for External Affairs Sr. Mary John Mananzan OSB ang bawat isa sa kanyang Ecology and Environment Talk na ingatan ang mundo na ipinagkatiwala ng Panginoon sa tao.
“When you are caring for the earth, you are caring for God’s creation and you are thanking God for giving us this wonderful Earth to live in and that is spirituality. Actually the care of the earth is spirituality in itself,” ani Sr. Mananzan.
Layunin ng PCNE 2017 na ipagdiwang ang Year of the Parish as Communion of Communities at iproklama ang mensahe ni Hesus na pagdadamayan at pagkakaisa habang isinasabuhay ang misyon na maging tagapaghatid ng mabuting balita ng Panginoon na may iisang puso at kaluluwa.
Ang pagdiriwang ay tatagal hanggang Linggo, ika-30 ng Hulyo kung saan katatampukan ng iba’t iba pang panayam na sesentro sa presenya ng Panginoon sa mahahalagang usapin sa lipunan.