177 total views
Nanawagan ng tulong sa mga forest fire experts ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Davao del Sur kaugnay sa pagkasunog ng kagubatan ng Mt Apo na pinaghihinalaang dahil sa naiwang siga ng tatlong iresponsableng trekker noong ika-26 ng Marso.
Ayon kay Harry Camoro – head ng PDRRMC sa Davao del Sur, patuloy ang pagbubuhos ng tubig sa bundok gamit ang helicopter subalit kulang pa rin ito at na ngangailangan pa ng mas maraming volunteers na bihasa sa pag-akyat ng bundok.
Tiniyak naman ni Camoro na mabilis na kumikilos ang grupo upang malagyan ng firelines ang bundok at mapigilan ang pagkalat ng apoy.
“We’re still in need of resources like expert sa forest fires, groups that are self-sufficient that can survive for around five days in the area, we recommend po na mga expert in mountaineering and Fire suppression, baka kasi magpadala lang po tayo ng mga tropa na hindi naman po sanay sa gubat o hindi naman po sanay sa terrain na high altitude yung operations, baka ma compromise yung operation po natin.” Pahayag ni Camoro sa Radyo Veritas.
Sa huling ulat ng Davao Region Incident Management team noong ikalawa ng Abril halos umabot na sa 115 hektarya sa bundok ng Mt Apo ang naapektuhan.
Limang Fire volunteers naman ang nasugatan habang nag aapula ng sunog.
Pansamantala, isinara na ang Mt. Apo Natural Park dahil sa mga pinsalang dulot ng Forest Fire sa ilang bahagi ng protected area ng bundok.
Samantala sa Laudato Si ng kanyang Kabanalan Francisco, binigyang diin nitong dahil sa kapabayaan ng tao sa kapaligiran, tao rin ang nagiging biktima ng mga sakunang nagaganap sa kalikasan.