237 total views
Positibo sa Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Mission ang paglagda ng government peace negotiator at rebeldeng komunista sa interim ceasefire agreement sa ika-apat na rounds ng peace talks sa Netherlands.
Iginiit ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes,chairman ng kumisyon na napapanahon nang makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa bansa at matapos na ang ilang dekadang rebelyon ng mga rebeldeng komunista.
“I hope and pray that the nation will now be at peace, so it is the time of Duterte so he can say to himself that during his administration finally the rebellion, the longest rebellion in the whole world, civilian rebellion will end, so thank God I am very much supportive…”pahayag ni Bishop Arturo Bastes sa panayam sa Radio Veritas.
Nagsimula noong ika-2 ng Abril ang 4th round ng peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA-NDF panels sa The Netherlands kung saan nagkasundo ang magkabilang panig sa pagpapatupad ng isang interim joint ceasefire habang puspusang pinag-aaralan ang final peace agreement ng magkabilang panig.
Unang hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco, ang bawat isa na maging daan sa negosasyon at patuloy na gumawa ng hakbang sa kapayapaan para na rin sa kapakanan ng bawat mamamayan at sa kinabukasan ng buong bayan.