290 total views
Kapanalig, isa sa mga sektor ng bansa na kailangan patatagin ay ang pagsasaka.
Hindi lingid sa ating kaalaman na ang mga magsasaka ang isa sa mga pinakamahirap na sektor ng ating bayan.
Ayon nga sa opisyal na datos, nasa 38.3% ang poverty incidence sa hanay ng magsasaka ng ating bayan.
Maliban pa dito, ang mga manggagawa ng sektor na ito ay tumatanggap na napakababang sweldo.
Nasa P156.8 lamang kada araw. Malayo sa minimum wage. At marami rin sila kapanalig. Halos ikatlo o
one-third ng ating labor force ay mga agricultural workers. Humigit kumulang, mga 12 million
katao ang katumbas nito.
May mga iba pang salik na nakaka-apekto sa sitwasyon ng magsasaka. Ang climate change, kapanalig,
ay malaki ang impluwensya ngayon sa pagsasaka. Mas mahabang tag-init, mas malalakas na pag-ulan at pagbagyo: ito lahat ay pumipinsala sa kanilang mga pananim at nagpapaliit ng kanilang kita. Maraming beses din, ang mga mga natural na sakuna na ito ay nagpapalugi sa maraming mga magsasaka.
Ang globalisasyon, kapanalig, ay malaki na rin ang nagiging epekto sa bayan. Mas mura na ang mga ibang agricultural products mula sa mga karatig bansa natin. Ang mga local na produkto ay humihina ang benta dahil sa kumpetensya.
Ang pagtanggi rin ng marami nating mga kababayan sa pagpapatuloy ng pagsasaka ay isa ng lumalaking isyu.
Ang karaniwang edad ng mga magsasaka ngayon ay 57. Tatlong taon na lamang, retirement na ng iba.
Yung iba na kaya pang magtrabaho hanggang 70, mga isang dekada na lang ang productive years, at hindi rin
ito sigurado. Maaring maramdaman na natin ang shortage of farm workers sa loob ng lima hanggang sampung taon.
Kapanalig, kapag hindi natin ginawang matatag ang farming sector ng bayan, hindi lamang ang sector na
ito ang masasaktan. Tayong lahat. Ang paghina ng sektor na ito ay may malaking implikasyon sa ating food security, lalo na sa harap ng tumataas na bilang ng populasyon at lumalawig nating consumption patterns. Hindi nararapat na umasa tayo sa food imports pagdating ng panahon, lalo pa’t tumataas ang halaga ng dolyar ngayon.
Prayoridad: ito ang dapat maisa-ayos ng ating lipunan ngayon. Masyado tayong abala sa pamumulitika at social media hindi natin nabibigyan ng atensyon ang mga problema ng bayan na may pangmatagalang implikasyon sa ating buhay at sa mga susunod pang mga henerasyon. Isang matinding paalala mula sa Laudato Si: Our world has a grave social debt towards the poor. Ang utang na ito ay patuloy na lumalaki habang patuloy nating silang sinasantabi.