185 total views
Hinikayat ni Caritas Manila ‘Damayan’Priest in-charge Rev.Father Ricardo Valencia ang publiko na magdasal at huwag kalimutan ang pananalig sa Diyos matapos ang magnitude 5.5 earthquake na naramdaman sa Batangas at maging sa Metro Manila.
Ayon kay Fr. Valencia, napakahalaga ang pagkakaroon ng kahandaan at kaalaman kaugnay sa mga kalamidad gaya ng paglindol ngunit hindi dapat malimutan ang pagdarasal at makaka-alala na tanging ang Diyos lamang ang nakaka-alam ng mga magaganap tulad ng paglindol.
“It is important to pray, sa mga ganitong pagkakataon mas dapat nararamdaman ang importance ng prayers at paglapit sa Diyos pero kalakip niyan ay yun ating kaalaman sa kahandaan at tamang impormasyon para maging ligtas sa mga kalamidad” pahayag ni Fr. Valencia sa panayam ng Veritas 846.
Sinabi ng Pari na bagamat mahalaga ang ‘sharing of information’ hindi nararapat na magpakalat ng mga maling balita gaya ng prediksyon sa kung kailan magaganap ang “The Big One”.
Magugunitang unang inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs na walang katotohanan ang mga kumakalat na balita sa social media na may takdang petsa kung kailangan magaganap ang pinangangambagang paggalaw ng west valley fault.
Kaugnay nito, inihayag ng Social Action Center ng Archdiocese of Lipa na dalawang parokya sa Batangas ang naapektuhan ng naganap na paglindol.
Ayon kay Fr. Jayson Siapco, Social Action Director ng Archdiocese of Lipa,magsasagawa sila ng assessment ngayong araw ngunit umaasa ito na hindi naman makaka-apekto ang maliit na pinsala sa aktibidad ng mga apektadong parokya ngayong lenter season.
Una ng idineklara ng gobernador ang state of calamity sa probinsiya ng Batangas na pinabulaanan naman ng Sangguniang Panlalawigan.