302 total views
Binigyang-diin ni CBCP Episcopal Commission on Mission Chairman at Diocese of Sorsogon Bishop Arturo Bastes na ang penitensya at pagbabalik-loob ang tunay na diwa ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Carmelo.
Ayon sa Obispo, ipinapaalala ng presensya ng Mahal na Ina ang kahalagahan ng pagsisisi at pangungumpisal gayundin ang pag-iwas sa mga bagay na pinagmumulalan ng pagkakasala ng tao.
“People today forget the idea of penance and they do not want to have any penitential act. For me, the most important reflection we can get to Our Lady of Mt. Carmel is the idea of penance reminding us that the scapular is the instrument of penitence,” ani Bishop Bastes.
Idinagdag pa ni Bishop Bastes na sa halip isipin ang magiging buhay sa lupa ay mas mahalagang ituon ang sarili kung paano mararanasan ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananalig sa Mahal na Birhen ng Carmelo at ng eskapularyo na ipinagkaloob niya sa sangkatauhan.
“Today, people are so worldly that instead of working for eternal life they are only concentrated in the life in this world, this is a very foolish thing. So Our Lady of Mt. Carmel is giving us the chance to reflect upon the importance of eternal life,” pahayag ni Bishop Bastes.
Kaugnay nito, nilinaw ni Novaliches Bishop emeritus Teodoro Bacani na hindi agimat ang eskapularyo sa pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo.
Ayon kay Bishop Bacani, hindi nakasalalay sa pagsusuot ng banal na eskapularyo ang kasiguraduhan sa buhay na walang hanggan dahil masasalamin pa rin sa mga ginawa ng tao sa lupa ang kanyang magiging kapalaran sa kabilang buhay.
Binigyang-diin naman ni Diocese of Malolos Bishop Jose Oliveros na laging may kaakibat na gawa ang pananampalataya at magsisimula sa tao ang unang hakbang upang makamtan ang pangakong ng Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo na buhay sa piling ng Panginoong Hesukristo.
“Ipinangako ng ating Mahal na Ina na kung sinuman ang magsusuot ng eskapularyo ng Carmel, kung siya ay mamatay ay hindi siya mapapahamak magpakailanman. Subalit, ang pangako na ibinigay niya sa atin at sinusuot natin ay hindi isang anting-anting, hindi ito amulet. Hindi nangangahulugan na wala na tayong gagawin upang makamtan natin ang kanyang pangako. Ito ay isang tanda lamang at paalala sa atin na kinakailangang gawin natin ang nararapat upang hindi tayo maburi sa apoy ng impyerno,” ani Bishop Oliveros.
Pinaniniwalaang nagsimula ang debosyon ng mga mananampalataya sa Our Lady of Mt. Carmel noong tinagubilin ng Mahal na Birhen kay Carmelite Priest San Simon Stock ang isang eskapularyo na na sinuman ang magsusuot nito hanggang sa oras ng kanyang kamatayan ay makararanas ng buhay na walang hanggan sa piling ng dakilang Maylalang.
Dahil sa maigting na pagmamahal ng mga Filipino sa Mahal na Ina, pinasinayaan noong ika-14 ng Disyembre 2015 ang National Shrine of Our Lady of Mt. Carmel sa New Manila, Quezon City.
Ipinagdiriwang naman tuwing ika-16 ng Hulyo ang kapistahan ng Nuestra Señora del Carmen na siya ring patrona ng Order of Carmelites.(Ers Geronimo)