741 total views
Inaanyayahan ng Philippine Movement for Climate Justice ang mga makakalikasan na makibahagi sa isasagawang People’s Climate Strike.
Paksa nito ang No Tomorrow without Climate Justice Today na gaganapin sa November 16, 2022 simula alas-siete ng umaga sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City.
Ayon kay PMCJ Luzon Coordinator, Erwin Puhawan, layunin ng climate strike na pukawin ang kamalayan ng bawat isa upang matugunan ang krisis sa klima kasabay ng isinasagawang 27th United Nations Climate Change Conference of Parties o COP27 Summit sa Sharm El Sheik sa Egypt.
Pagbabahagi ni Puhawan, isasagawa rin ang climate strike hindi lamang sa Quezon City kun’di maging sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Sa different parts din ng Pilipinas, sasabay din ‘yung iba’t ibang areas. Meron sa La Union, Pangasinan, Zambales, lalo na ‘yung sites na may mga coal-fired power plant at tsaka yung may mga planong magtayo ng fossil gas facilities. So, nationwide ito, mula Luzon, Visayas, hanggang Mindanao,” pahayag ni Puhawan sa panayam ng Radio Veritas.
Nilalayon din ng gawain na makahikayat ng mas malaking bilang ng tao kumpara sa mga nakaraang climate strike upang palakasin ang panawagan para sa climate justice at deklarasyon ng climate emergency.
Inaasahan ng grupo na magkakatipon-tipon ang hindi bababa sa 5,000 hanggang 20,000 bilang ng mga kalahok upang maging pinakamalaking climate strike event sa kasaysayan ng Pilipinas.
Katuwang ng PMCJ sa isasagawang malaking pagtitipon ang Living Laudato Si’ Philippines, Greenpeace Philippines, Philippine Alliance for Human Rights Advocates (PAHRA), at iba pang environmental, labor, at human rights group.